Pinakamataas mula noong Abril 6: PH nakapagtala ng 350 bagong kaso ng COVID-19

ABS-CBN News

Posted at May 26 2020 05:17 PM

MAYNILA – Nakapagtala ngayong Martes ang Department of Health ng 350 bagong kaso ng coronavirus disease (COVID-19), ang pinakamataas na bilang ng mga bagong kaso mula noong Abril 6.

Dahil dito, umakyat na sa 14,669 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Tumaas naman sa 3,412 ang kabuuang bilang ng mga pasyenteng gumaling sa sakit matapos makapagtala ang DOH ng 89 bagong recovery.

Nakapagtala rin ang DOH ng 13 bagong pagkamatay para sa kabuuang bilang na 886 na namatay sa sakit.

Noong Marso 31 naitala ang pinakamaraming bagong kaso ng COVID-19 sa isang araw, na nasa 538. Pangalawa ay noong Abril 6 na may 414 bagong kaso.

Pumangatlo naman ang 385 bagong kaso na naiulat noong April 3 at pang-apat ang 350 ngayong Martes.

Sinabi naman ngayong Martes ng Department of Foreign Affairs (DFA) nasa 2,635 na ang kabuuang bilang ng mga Pinoy sa ibang bansa na nagpositibo sa COVID-19.

Sa bilang na ito, 905 ang gumaling sa sakit o na-discharge na sa ospital habang 328 naman ang namatay, sabi ng DFA.

Sa buong mundo, umabot na sa 5.5 milyon ang kabuuang bilang ng mga nahahawahan ng COVID-19, ayon sa tala ng Johns Hopkins University Coronavirus Resource Center. -- May ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.