Pagdaos ng congregational prayer sa Lanao del Norte paiimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at May 26 2020 04:19 PM

Mga taong dumadaan sa Golden Mosque sa Quiapo, Manila noong Abril 28, 2020. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Pinaiimbestigahan ng lokal na pamahalaan ng Baloi, Lanao del Norte ang umano ay pagdaos ng congregational prayer sa isang mosque sa bayan noong Linggo, sabay sa paggunita ng Eid’l Fitr.

Kasama ang mga religious event sa mga itinuturing bilang mass gathering, na ipinagbabawal ng gobyerno para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Ayon kay Mohaimmen Rasul, municipal information officer ng Baloi, nakikipag-ugnayan na sila sa mga sundalo at pulis para imbestigahan ang nangyaring congregational prayer na dinaluhan ng nasa higit 100 tao.

Nangyari ang pagtitipon noong Eid’l Fitr na gumugunita sa pagtatapos ng Ramadan o iyong “holy month” sa Islam.

“We cannot control the whole locality. We cannot avoid Islamist fundamentalists na masyadong relihiyoso for them na sikretong nage-execute ng congregational prayers,” ani Rasul.

Base sa ordinansa ng bayan, pagmumultahin ng P1,000 sa unang paglabag ang mga magdaraos ng mass gathering. Nasa P3,000 naman ang multa sa ikalawang paglabag at P5,000 sa ikatlong paglabag.

Ayon naman kay Imam Hadji Sirad Abdelasis, isa sa mga imam ng mosque, wala namang may kaso ng coronavirus na dumalo sa pagtitipon.

Ipinagbawal din daw nila ang pagsisimba ng mga may karamdaman at hindi rin pinapapasok sa mosque ang mga residente mula sa ibang lugar.

“Walang isa man na namatay sa lugar namin dahil dito sa coronavirus,” ani Abdelasis.

Noong Marso, naglabas ng “fatwa” ang United Imams League of the Philippines na naghihikayat sa mga imam na pansamantalang suspendehin ang congregational prayers.

Magkakaroon umano ng pagdidisiplina ang liga sa mga miyembrong lumabag sa “fatwa.”

Noong Lunes, sinabi ng National Commission on Muslim Filipinos na imumungkahi nito ang pagbubukas ng mga mosque sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine.

-- Ulat ni Roxanne Arevalo, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.