'Nag-sorry na': Pasay councilor na nanigaw ng health workers di na kakasuhan

ABS-CBN News

Posted at May 26 2020 02:59 PM

MAYNILA – Walang disciplinary action o kasong isasampa laban sa konsehal ng Pasay City na nakuhanan ng video na naninigaw matapos matuklasang ginawang COVID-19 testing venue ang session hall ng munisipyo ng lungsod, sabi ngayong Martes ni Mayor Emi Calixto-Rubiano.

Nag-viral kamakailan sa social media ang video tampok si city councilor Moti Arceo na nagagalit sa mga health worker na nagdaraos ng COVID-19 testing sa session hall.

Ayon kay Rubiano, naplantsa na ang gusot sa pagitan ni Arceo at ng city health office matapos humingi ng paumanhin ang konsehal sa inasta nang mangyari ang insidente noong nakaraang Martes.

“Naghingi siya ng sorry sa ginawang bad mouthing. Siya rin ay gagawa ng sulat para humingi ng paumanhin,” ani Rubiano.

Susulat din umano ang konsehal sa Philippine Association of Medical Technologists.

“Sa tingin ko kung dito lang, nag-accept nga ng apology ang mga health worker. Kung walang magrereklamo, walang magiging kaso,” ani Rubiano.

Ayon kay Rubiano, mayroong permit ang health team para magdaos ng testing sa loob ng munisipyo at nagpatupad naman ng mga panuntunan ang city health office nang isagawa ito.

Nagkaroon din umano ng risk assessment bago mangyari ang testing.

“Though marami nagsasabi na ang session hall, hindi pag-aari ng nino man, nasa jurisdiction ‘yon ng city council. Ang memorandum hindi lahat makakatanggap that day kasi naka-address siya sa skeletal force,” ani Rubiano.

Ang pahayag ni Rubiano ay tugon sa naunang sinabi ni Arceo na walang nangyaring konsultasyon sa kanila bago magsagawa ng testing sa session hall.

Inilipat na sa Mall of Asia Arena at Pasay City Complex ang pagdaraos ng COVID-19 testing.

“Nirespeto natin ang feelings ng ating mga konsehal... kaya inilipat ang venue, kinonsider namin ‘yong greater good, na huwag natin paapektuhan ang ating responsibilidad na mabigay ng services at ang tunay na kalaban ang COVID-19,” anang mayor.

— Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.