Libreng COVID-19 test para sa mga malapit nang manganak ipinanawagan

ABS-CBN News

Posted at May 26 2020 05:04 PM | Updated as of May 26 2020 06:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Hulyo na manganganak si Angie Candelaria at katulad ng kahit sinong magiging magulang, sabik na siyang makita ang magiging panganay na anak.

Pero may pangamba ngayon si Candelaria matapos mabalitaan sa mga kapuwa buntis na kakailanganin niyang magpa-test para sa COVID-19, na nagkakahalaga ng nasa P8,000.

“Kung para naman sa kalusugan ng baby ko, gagawan na rin lang ng paraan para makapagpa-test,” ani Candelaria.

Ayon sa Philippine Infectious Disease Society for Obstetrics and Gynecology (PIDSOG), kailangang ma-test ang mga manganganak para maiwasan ang pagkahawa ng ibang pasyente at health workers sa ospital.

“We could prevent the possible transmission among inside hospital,” ani PIDSOG President Erwin de Mesa.

“We could prepare for the newborn care so if a mother is identified to be positive. She will be given enough time to prepare on how she’s going to decide on the care of her newborn,” ani De Mesa.

Kamakailan isinara ng Ospital ng Malabon ang second floor nito matapos matuklasang hindi ibinunyag ng isang nanganak na pasyente ang exposure niya sa lugar na isinailalim sa total lockdown dahil sa mga kaso ng COVID-19.

Inirekomenda naman ng Philippine Obstetrical and Gynecological Society (POGS) sa Department of Health (DOH) na kasamang i-test nang libre ang mga buntis mula 37 weeks hanggang isang linggo bago manganak.

Para sa organisasyon, vulnerable kasi ang mga buntis o mababa ang immunity kumpara sa ibang tao.

Kasama rin sa rekomendasyon ng POGS na libreng makakakuha ng test ang mga buntis na Philhealth ang sasagot.

“Sa pag-aaral ngayon nakita na 30 to 40 percent of pregnant patient ngayon ay... asymptomatic, tested to be positive,” ani POGS President Christia Padolina.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kapag ni-require, puwedeng isama sa vulnerable group na tine-test ang mga buntis.

“If and when the Philippine obstetrics society would be requiring test prior to them giving birth, we can do the testing because they are part of the vulnerable group na sinasabi natin sa ating DOH protocols,” ani Vergeire. -- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.