Gitgitan ng 2 tricycle driver sa Laoag City nauwi sa sapakan

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at May 26 2020 04:33 PM | Updated as of May 26 2020 08:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

LAOAG CITY — Nauwi sa sapakan ang gitgitan ng 2 tricycle driver sa lungsod na ito noong Lunes. 

Sa isang videong, agaw-pansin ang tensyon sa pagitan ng 2 tricycle driver sa Rizal Street. Maya-maya, biglang sinunggaban ng driver na naka-jacket ang kaniyang nakaalitang tsuper.

Umalis na ang naka-jacket pero bumalik ito at nagkatulakan ang dalawa.

Umalis ulit ang naka-jacket at sumakay na ito sa kanyang tricycle.

Pero nang dumaan ito sa nakaalitang driver ay muntik niya itong mabangga kaya itinulak ng driver ang tricycle at nadaganan siya nito.

Doon na sya nilapitan ng nakaalitang driver at nag-wrestling ang dalawa. 

Mabuti na lang ay may traffic aide malapit sa lugar at pinaghiwalay ang dalawa.

Sa imbestigasyon, gitgitan ng dalawang driver ang dahilan ng kanilang away.

"Dahil yata sa pila at doon nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan itong dalawang drayber... Dinala natin dito sa police station at nung matanggal 'yung face mask nila nalaman magkumpare pala sila," ani Police Lt. Col. Amador Quiocho, hepe ng Laoag City police. 

Dahil magkakilala, nagkaayos din ang dalawang tricycle driver.

Ayon sa pulisya, binigyan ng ticket ang lalaking naka-jacket dahil nakainom ito pero ang kaniyang nakaalitang driver na kumpare na ang nagbayad ng kaniyang multa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.