Frontliner na ikakasal sa Hunyo, patay sa aksidente sa Iloilo

Cherry Palma, ABS-CBN News

Posted at May 26 2020 06:13 PM

Pauwi na mula sa duty sa ospital si Henry Jun Jardio nang salpukin ng puting kotse na minamaneho ng Indian national. Larawan mula sa Mandurriao Police

Trahedya ang inabot ng isang frontliner na nakatakdang ikasal sa Hunyo matapos masawi sa aksidenteng ikinasugat din ng tatlong iba pa sa sa Iloilo City, Linggo ng gabi.

Nakilala ang biktima na si Henry Jun Jardio, isang radiologic technologist. 

Pauwi na siya galing duty sa ospital nang banggain ang kaniyang motorsiklo ng isang kotseng minamaneho ng Indian national sa Donato Pison Avenue sa Mandurriao.

Matapos na mabangga si Jardio, nagpatuloy pa umano sa pagmamaneho ang Indian national hanggang sa nasalpok din niya ang isa pang motorsiklo na may sakay na tatlong katao.

Nakakulong na ngayon ang suspek habang desidido ang pamilya ni Jardio na sampahan siya ng kaso.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries and damage to property ang suspek.

Nagpoproseso na ng kanilang kasal sa Hunyo si Henry Jun Jardio at kasintahang si Pearl Arroyo. Namatay si Jardio matapos salpukin ng kotseng minamaneho umano ng lasing na Indian national sa Mandurriao, Iloilo City. Larawan mula kay Pearl Arroyo

Naghahanda na sana si Jardio at kasintahang si Pearl Arroyo para sa kanilang kasal sa Hunyo.

Kapwa mahilig sa motorsiklo at tumutulong sa nangangailangan ang magkasintahan. 

May dalawang taon na silang magkarelasyon bago napagdesisyunang magpakasal. 

"I hope we can do something about this," sabi ni Arroyo. Giit niya, sana buhay pa ang kasintahan kung hindi natanggal ang liquor ban sa lungsod.

Samantala, nagbabala naman si Iloilo City Mayor Jerry Treñas sa mga umaabuso sa pag lift ng liquor ban.

Kaniya umanong kinokonsidera ang lahat at kapag makita niya na tumaas ang kasong may kinalaman sa pag-inom ng alak ay maaari niyang ipatupad ang ban dito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.