Chinese clinic na umano'y tumatanggap ng COVID-19 patients sa Makati, isinara

ABS-CBN News

Posted at May 26 2020 06:50 PM | Updated as of May 27 2020 06:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA -- Isang Chinese clinic na umano'y tumatanggap ng mga COVID-19 patients sa Makati City sa kabila ng kawalan ng kaulukang pahintulot mula sa Department of Health ang sinalakay ng pulisya nitong Martes.

Ayon kay Police Maj. Gideon Ines, hepe ng Makati City Police station investigation and detective management section, pinasok nila alas 3 ng hapon ang Goldstar Medical Clinic and Pharmacy Corp. sa Sampaloc Street sa Barangay San Antonio kasunod ng sumbong na tumatanggap ito ng mga COVID-19 patients.

Isang Chinese na doktor at Pilipina na registered pharmacist ang hinuli.

Ang nasabing clinic ay wala sa opisyal na listahan ng DOH na mga accredited clinic o laboratory para magsagawa ng COVID-19 test. Maging sa mga referral hospital o clinics ay hindi rin ito kasama sa listahan ng DOH.

Bukod sa dalawang hinuli, kasama rin sa mga nasa kustodiya ng pulisya ang apat pang Chinese na pinaniniwalaang pasyente ng nasabing clinic.

May nasamsam ding mga gamot at rapid testing kits.

Nagsasagawa ng karagdagang imbestigasyon ang pulisya habang tinutukoy ang mga posibleng batas na nalabag ng Chinese doctor.--Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.