BRP Ivatan, unang barkong nakadaong sa bagong pantalan sa Pag-asa Island

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at May 26 2020 07:09 PM

Ang BRP Ivatan o LC298 ng Philippine Navy ang kauna-unahang barkong dumaong sa ginagawang pantalan sa Pag-asa Island na sakop ng lalawigan ng Palawan.

Dumating sa isla, na sakop ng Kalayaan municipality, ang naturang barko noong Mayo 13 upang magsagawa ng troop rotation at re-provisioning mission, ayon sa Western Command ng Armed Forces of the Philippines.

Bukod sa Pag-asa Island, na may international name na Thitu Island, iba't ibang detachments ng Naval Forces West sa West Philippine Sea ang dinaanan rin ng barko.

Malaking tulong ang bagong gawang beaching ramp at pantalan sa Pag-asa Island upang mas mapabilis ang paghahatid ng mga goods para sa mga sundalo at mga residente doon, ayon sa mga opisyal.

"Pag-dock ng barkong yun, sa pagbisitang yun, at least nakalapit na sila. Hindi na mahihirapan ang pag-transfer ng mga goods at saka ganoon din ang services papunta sa ating mga kababayan doon at papunta din sa ating detachment doon," sabi ni Col. Stephen Penetrante, ang tagapagsalita ng AFP Western Command.

"So, malaking bagay po ito. This is a great improvement dito sa ating rotation and reprovisioning ng ating mga sundalo, at ganoon din pagdala ng mga goods saka mga services doon sa ating mga kababayan na nandoon sa island."

Ginawa ang beaching ramp at pantalan sa Pag-asa Island sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, sa kabila ng patuloy na pag-angkin ng bansang Tsina sa halos kabuuan ng South China Sea.

Sabi ng WESCOM, ang makasaysayang pagdaong na ito ng barko ng Philippine Navy ay patunay lamang na ang Pilipinas pa rin ang may kontrol at nagmamay-ari ng nasabing teritoryo.

Pormal na dineklarang sakop ng bansa ang Kalayaan Group of Islands sa South China Sea noong panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos.

Wala naman umanong naging sagabal at hindi nakaranas ng harassment ang BRP Ivatan nang maglayag ito doon.

"Magandang balita po yun sa atin dahil ibig sabihin po ay dahan-dahan nagkakaroon na tayo ng kakayahan upang makalapit ang barko doon sa island natin. Maayos naman po ang kanilang pagpunta. Wala namang harrassment at sa awa ng Diyos ay wala naman pong balakid na naranasan yung ating mga operating units papunta doon sa island," sabi ni Penetrante.

Masaya naman ang lokal na pamahalaan ng Kalayaan sa pagpapatayo ng bagong pantalan.

Ayon kay Mayor Roberto Del Mundo, malaking tulong sa kanila ang nagawang pantalan lalo na kapag masama ang panahon. Pangunahing hanapbuhay kasi ng mga residente dito ang pangingisda.

"Nakakatago na. Kung sakali, mayroon silang taguan ng mga lantsa kung magkaroon ng malakas na hangin o bagyo. Totoo po yan. Napakalaking tulong po yan kasi during pagkalumalakas po talaga yung kanas-kanas diyan, tumatago po yan sa bahura. Ngayon maganda na at mayroon na kaming taguan diyan - yung aming pantalan at saka yung sa center port. Nakakatali po kasi doon sa mga poste yung mga barko doon," ani Del Mundo.

Mayroon din umanong nakatakdang proyekto ang lokal na pamahalaan na sariling pantalan pero hindi pa ito nasisimulan.

Ang iba pang dinaanan ng BRP Ivatan sa naturang paglayag ay ang Rizal Reef Detachment, Lawak at Patag Island.

Nakarating sa mainland Palawan ang barko noong Mayo 17.

Magpapatuloy umano ang ginagawang misyon ng Philippine Navy upang depensahan ang West Philippine Sea.

Kamakailan ay nagsampa ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa Tsina matapos ang ginawang pagtutok ng radar gun sa barko ng Philippine Navy noong Pebrero habang patungo ng Rizal Reef Detachment at sinabing pag-aari umano ng Tsina ang South China Sea.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.