Anak ng barangay chairman sa Bukidnon patay matapos mabaril ng hinihinalang NPA

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at May 26 2020 05:03 AM | Updated as of May 26 2020 05:29 AM

Patay ang anak ng barangay chairman ng Barangay Magkalungay, San Fernando, Bukidnon matapos umanong mabaril ng hinihinalang miyembro ng rebeldeng New People's Army (NPA) nitong Biyernes.

Naliligo sa ilog si Jerson Blanza, 23, nang biglang magkabarilan ang mga hinihinalang miyembro ng NPA at mga sundalo.

Ayon sa tagapagsalita ng Philippine Army 403rd Brigade na si Capt. Rene Belmonte, bumisita sa Barangay Cawayan ang Mobile Community Support System Team ng 88 Infantry Battalion, nang paulanan umano sila ng bala ng mga hinihinalang miyembro ng Guerilla Front Malayag, Sub Regional Committee-2 (SRC-2), North Central Mindanao Regional Committee ng NPA.

"They have the intent to visit the people's organization doon sa area na yun. Suddenly biglang hinarass sila pinaputukan sila they were fired upon by NPA and unfortunately hindi alam ng mga NPA may naliligong sibilyan sa may bandang ilog so directly tinamaan itong sibilyan na ito," ani Belmonte.

Nagkaroon pa ng serye ng engkwentro sa lugar dahil sa isinagawang hot pursuit operation ng mga sundalo.

"Nagkaroon ng series of encounters sa upper part ng Barangay Cawayan and then on that day ng pursuit operation nakarekober tayo ng isang M-16 at isang caliber .45 sa kanila," dagdag ni Belmonte.

Nakipag-ugnayan na ang mga sundalo sa lokal na pamahalaan ng San Fernando para mabigyan ng tulong sa pagpapalibing ang pamilyang naulila ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.