'ABS-CBN deserves a future': Prangkisa para sa ABS-CBN ipinanawagan sa Kamara

ABS-CBN News

Posted at May 26 2020 06:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Umarangkada na ang joint committee hearing ng House committees on legislative franchises at good government and public accountability nitong Martes ukol sa pagbibigay ng prangkisa para makapag-broadcast muli ang ABS-CBN. 

Walang debateng naganap pero may opening salvo ang pinuno ng ABS-CBN at ang ilang kritiko ng network sa Kongreso.

Unang pinagsalita si ABS-CBN President and CEO Carlo Katigbak na may maliwanag na pagtitiyak sa mga kritiko at mambabatas.

"Hindi po kami nagpapaawa. Umaapila po kami—ibalik niyo po ang ABS-CBN para maprotektahan namin ang 11,000 kong Kapamilya at ang kanilang mga minamahal sa buhay," ani Katigbak.

Iginiit ni Katigbak na pasado ang ABS-CBN sa mga pagsusuri ng ahensiya ng pamahalaan. Dagdag niya, handa ang network na bumawi sa mga pagkukulang nito.

"Naniniwala po kami, ang pagbigay ng isang prangkisa ay nakasalalay sa serbisyong naibibigay sa taong bayan. ABS-CBN deserves a future only if it has made your lives better," ani Katigbak.

"Hinihingi po namin na bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN. Tapat po kaming naglilingkod sa bayan sa mahabang panahon. Wala po kaming nilabag na batas. At nangangako po kami na patuloy kaming magsusumikap na maging mas mabuting kumpanya," dagdag niya.

Pero sagot kay Katigbak ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta, patutunayan raw nila sa mga susunod na pagdinig ang mga isyu kaya hindi na dapat pang magkaprangkisa muli ang ABS-CBN.

Bago ang pagdinig, nakatanggap ang House committee on legislative franchises ng 181 petitions o position papers pabor sa ABS-CBN at walo na kontra sa prangkisa.

Itinakda naman ng komite sa Lunes ang susunod na pagdinig.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.