Pag-apruba ng NCIP sa Chico River irrigation project, patuloy na tinututulan

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at May 26 2019 08:29 PM

BAGUIO CITY - Patuloy na tinututulan ng mga residente ng Cordillera ang Chico River Irrigation Pump Project sa kabila ng pagkakaroon nito ng Certification of Precondition mula sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).

Ayon sa NCIP, ang Certification of Precondition ang magpapatunay na ibinigay ng komunidad ang kanilang consent sa proyekto.

"Yan ang magse-certify na 'yung mga tao, actually, na may na-conduct na FPIC process o Free Prior and Informed Consent, na ibinibigay ng mga community 'yung consent nila sa project na 'yun," ani Atty. Roland Calde, regional director ng NCIP Cordillera.

Isa ang Certification of Precondition sa mga dokumentong kinakailangan para matuloy ang proyekto.

Hindi naman sumasangayon ang Cordillera Peoples Alliance (CPA) sa pagbibigay ng sertipikasyon. Anila, hindi nasunod ang proseso ng pagbibigay ng FPIC ng mga katutubo.

"Talagang nakakabahala itong huling kaganapan kasi imbes na itama ng NCIP 'yung pagkakamali kung saan nagsimula itong Chico River Irrigation Pump Project ng wala pang naibibigay na Certification of Precondition o buong pagsunod sa guideline o FPIC," ani Windel Bolinget, chairperson ng CPA.

Sa halip na payagan dapat umano ay ipahinto muna ang proyekto lalo pa't may kasalukuyang petisyon sa Korte Suprema na kinukuwestiyon ang ginawang loan ng Pilipinas sa China. Nasa P4.37 billion ang inutang ng Pilipinas para sa nasabing proyekto.

Inaasahang 4,000 magsasaka sa Cagayan, Isabela at ilang bahagi ng Kalinga ang magbebenipisyo mula sa irrigation project.

“Ito 'yung ipinapamukha ng NCIP na imbes na panghawakan 'yung batas sya pa yung sistematikong nagmamanipulate so this will be a bad precendent sa mga susunod na proyektong papasok sa bansa,” ani Bolinget.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.