Mag-asawang senior citizen, patay sa pananaksak sa Quezon City

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at May 26 2019 09:31 PM

MAYNILA -- Patay ang mag-asawang senior citizen habang sugatan naman ang kanilang kasambahay matapos pagsasaksakin sa Novaliches, Quezon City Linggo.

Ayon kay Police Lt. Col. Rossel Cejas, hepe ng Quezon City Police District Station 4, pinagsasaksak ang mag-asawang nasa 80 anyos. Sugatan naman ang kanilang kasambahay na naisugod sa ospital. 

Pagnanakaw ang isa sa mga tinitingnan motibo sa krimen.

"Based sa investigation ng ating SOCO, mayroong mga nagkalat na gamit sa loob ng kwarto ng biktima. At ongoing ang pakikipag-usap natin sa pamilya kung anong mga valuable items ang posibleng nawala sa kanilang kuwarto," ani Cejas.

Ayon sa Scene of the Crime Operatives (SOCO), alas-2 ng hapon nang madiskubre ng anak ng mga biktima ang kaniyang mga magulang. Hindi pa tukoy ang eksaktong oras ng panloloob.

Inaalam pa kung may CCTV sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.