PatrolPH

2 lalaki niratrat umano ng airsoft gun, ikinulong sa kulungan ng manok

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at May 26 2019 03:47 PM | Updated as of May 26 2019 07:13 PM

2 lalaki niratrat umano ng airsoft gun, ikinulong sa kulungan ng manok 1
Tadtad ng mga sugat at pantal ang mga dibdib at mukha nina Jack Abduralim at Mark Randell Perez. Kevin Manalo, ABS-CBN News

BACOOR, Cavite — Tatlong araw hindi pinakain at ikinulong pa sa kulungan ng manok habang pinagbabaril ng airsoft gun — ito ang reklamo ng 2 lalaki laban sa 5 lalaki na nadiskubreng mga dawit pala sa carnapping at pagpatay. 

Watch more on iWantTFC

Tadtad ng mga sugat at pantal ang mga dibdib at mukha nina Jack Abduralim at Mark Randell Perez. Iniinda pa nila ang kirot mula sa tama umano ng halos 3,000 bala ng airsoft gun. 

Suspek ang lalaking kinilalang si Jessie Castor at 4 pa nitong kasamahan. 

Si Abduralim ang caretaker sa isang bahay ni Castor. Kuwento ni Abduralim, pinagbintangan siya at si Perez ng pagnanakaw sa bahay na binabantayan niya.

"Pinagtripan nila kami, wasted na wasted, niratrat kami ng armalite na airsoft. Buti na lang may dumaan na homeowners na opisyales. Tatlong araw kami doon di kami pinapalabas," sabi ni Abduralim.

"May mga nawawalang gamit noong umuwi siya doon, so kami ang nadatnan so kami sinisi niya," ayon naman kay Perez.

Pero iba ang bersiyon ni Castor. Ninakawan daw talaga sila at nahuli niya sa akto sina Abduralim at Perez.

Depensa pa niya, hindi naman daw sugat mula sa airsoft gun ang tama nina Abduralim at Perez kundi marka ng barbed wire noong sinubukan daw nila na tumakas.

CARNAPPER, HITMAN

Sa imbestigasyon, ibinunyag pa ni Abduralim na carnapper ang grupo ni Castor.

"Doon ko nalaman 'yung gawain nilang trabaho. Dealer sila ng shabu, mga nakaw na motor, ganoon po."

Pinuntahan ng mga pulis ang bahay ni Castor at doon nila nadiskubre ang mga nakaw at pinagpirapirasong bahagi ng motorsiklo.

Nahanap din ang mga ginamit na airsoft gun, kalibre .38 baril, at mga bala ng shotgun. 

Dahil dito, inaresto na si Castor at kasamahang sina Peter Rivera, at magkapatid na Enrique at Frederico Sulit. 

Nakatakas naman ang isa pang miyembro ng grupo nila na si Michael de Vega.

"Sangkot sa droga at mga baril ang mga ito. Sangkot din sa carnapping. Ang isa diyan ay hitman," sabi ni Police Lt. Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police. 

Desididong magkaso sina Abduralim at Perez dahil sa ginawang illegal detention at pananakit sa kanila. 

"Walang atrasan kahit mamatay ako," sabi ni Abduralim.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.