2 bata patay sa bakbakan ng militar, Abu Sayyaf sa Sulu

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at May 26 2019 01:43 PM | Updated as of May 26 2019 10:08 PM

Dalawang bata ang nasawi sa gitna ng engkuwentro sa pagitan ng militar at mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa bayan ng Patikul, Sulu noong hapon ng Sabado.

Nagsasagawa daw ng community support program activities sa Barangay Igasan ang mga miyembro ng 6th Special Forces Battalion alas-5 ng hapon nang umatake ang nasa 30 miyembro ng ASG, ayon sa ulat ng Joint Task Force Sulu.

Namatay sa kalahating oras na bakbakan ang mga batang may edad 1 at 12 habang nasugatan naman ang 3 pang sibilyan at 5 sundalo.

Anim naman ang nasawi at 7 ang nasugatan mula sa panig ng ASG, sabi sa ulat.

Para kay Brig. Gen. Divino Rey Pabayo Jr., commander ng Joint Task Force Sulu, desperado ang ASG na takutin ang mga residente, na pinaghihinalaan umano ng grupo na nakikipagtulungan sa militar.

"The death of the 2 innocent children and the wounding of 3 other civilians are indicative of the ASG's desperate actions of sowing fear among the local populace," ani Pabayo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.