SOCO: Bangkay ng dalagita natagpuang nakatali sa puno ng mangga

ABS-CBN News

Posted at May 26 2018 04:27 PM

 

Natagpuang nakahubad, nakatali sa puno ng mangga, at wala nang buhay ang 16-taong gulang na si alyas "Princess" sa San Felipe, Zambales.

Galing sa isang salu-salo ang ama ng biktima na si alyas "Artemio" nang mapansing wala sa tahanan ang dalagita.

“Pagbukas ko ng kurtina niya, do’n ako nagulat. Hindi gawain ng anak ko na umalis nang hindi ko alam,” ayon kay Artemio.

Habang hinahanap ang anak, napansin ni Artemio ang ilang mga bakas sa sahig ng kanilang bahay.

“Kita ko 'yung lupa parang may hinilang mabigat na bagay. Nakakayod.”

Sinundan ni Artemio ang mga bakas hanggang sa matagpuan niya ang bangkay ni Princess.

“Halos katayin na siya,” paglalarawan niya. “Ginawang hayop. Ni-rape na, pinatay [pa].”

Base sa awtopsiya, "incised wound" sa leeg ang ikinamatay ni Princess. May nakita ring palatandaan na ginahasa ang biktima bago pinaslang.

“Nagtamo ng 46 na sugat at pasa ang biktima,” sabi ni Insp. Edwin Bumanglag, hepe ng San Felipe, Zambales police.

Ayon sa imbestigasyon, posibleng nagkaroon ng oportunidad ang salarin nang magpunta si Artemio sa naturang salu-salo at naiwang mag-isa sa bahay si Princess.

“Nakita niyang nag-iisa 'yung biktima at nanonood ng TV. Dahil sa layo ng ginaganapang party at nag-iisa 'yung bata, malamang dahil sa nakainom, baka nagawa niya 'yung krimen na ‘yun,” ani Bumanglag.

“Pagkatapos, nakakita tayo ng bakas na drinag 'yung biktima sa puno ng mangga. Halos malaslas na 'yung leeg,” dagdag ng pulis.

Kinilala ang suspek na si John Fuentes, 25, kapitbahay at kasamahan ni Artemio sa trabaho.

Pinaghahanap ngayon ng pulisya si John Fuentes, suspek sa panggagahasa at pamamaslang sa 16 anyos na si alyas "Princess."

Hindi makapaniwala si Artemio na magagawa iyon ni Fuentes dahil may mga pagkakataon na inihabilin niya dito ang anak. Maayos din daw ang pakikitungo ni Artemio kay Fuentes.

Nitong Abril 16, kinasuhan na ng rape with homicide ang suspek.

“Matibay ang ebidensiya natin dahil unang-una, ito ay nangyari sa kuwarto niya, at tsaka 'yung pagtakas niya, tumakas siya dahil alam na siya ang unang hahanapin,” ayon kay Bumanglag.

Nananatiling takas sa batas si Fuentes.

“Sana mabigyan na ng katarungan ang anak ko. Hindi makatao. Hindi siya tao,” banggit ni Artemio.

“Nananawagan ako sa mga nakakakilala kay John Fuentes na kung makita ay puwedeng itawag sa amin sa himpilan ng San Felipe police station o kaya sa malapit na police station sa Pilipinas,” panawagan ni Bumanglag.

Kung may impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng suspek, magpadala ng mensahe sa “SOCO” hotline 0937-373-2531 o makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya.

Para sa karagdagang detalye, sundan ang “SOCO” sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv).
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.