SAPUL SA CCTV: Bagong-halal na kagawad, ginulpi umano ang kapatid dahil sa 'away sa lupa'

ABS-CBN News

Posted at May 26 2018 07:23 PM

Sapul sa CCTV ang nangyaring pambubugbog ng kuya sa kaniyang kapatid na babae dahil umano sa away sa lupa.

Bibisita lang sana si Rosana Umali kasama ang anak na babae sa kaniyang mga magulang sa Sampaloc, Maynila noong Miyerkoles pero habang nakaupo sa labas ng bahay ay bigla siyang sinalubong ng hampas sa ulo ng kuyang si Roberto Silverio.

Doon na nagsimula ang pagbubuno ng magkapatid at nang dumating ang asawa ni Silverio ay hinawakan pa daw nito si Umali sa leeg. 

Si Silverio pala, kapapanalo lang na kagawad ng kanilang barangay.

"Masamang-masama ang loob ko sa'yo dahil sa ginawa mo sa akin. Nanalo kang kagawad, [pero] masama kang ehemplo, hindi maganda 'yang ginawa mo," hinaing ni Umali.

Away daw sa lupa ang puno't dulo ng sakitan ng magkapatid.

Ipina-blotter ni Umali ang sariling kuya sa barangay at desidido raw siyang magsampa ng kaso.

Nilapitan ng ABS-CBN News ang kampo ni Silverio pero nagdesisyon silang manahimik na sa isyu. Handa naman daw itong harapin ang reklamo ng kapatid. 

Ayon sa barangay, nakatakda nang magharap ang magkapatid. Payo nila sa dalawa ay magkasundo na lang at ayusin ang gusot sa pamilya. 

"Ang mangyayari diyan tatlong hearing na pamumunuan ng chairman. Kapag hindi nagkasundo, ibabato sila sa lupon. Pero magkakapatid kayo, dapat magmamahalan at nagbibigayan, nagpapasensiyahan kayo," ani Barangay 472 kagawad Lito Simbahan.

--Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.