Pag-IBIG member, dumaing sa natagalang pagkuha sa provident claim

ABS-CBN News

Posted at May 26 2018 07:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi alam ng karamihan na maaari nang kubrahin ng sinumang miyembro ng Pag-IBIG Fund ang kanilang kontribusyon kapag umabot na sa 20 taon o mahigit ang panahon ng paghuhulog.

Pero ang isang miyembro ng Pag-IBIG, nagreklamo sa "Tapat Na Po" dahil inabot umano ng mahigit apat na buwan bago niya nakuha ang kaniyang tseke para sa provident claim.

Ayon kay Jaime Barlis na taga-Cabanatuan, Nueva Ecija, Enero pa siya nag-file ng provident claim sa Pag-IBIG Fund pero Mayo na ay wala pang tsekeng naiisyu ang ahensiya. 

"One month daw...Nung naka-one month na siya, bumalik ako, sabi naman two months na po. Dumaan ang mga linggo at buwan, hanggang ngayon wala pang result," hinaing ni Barlis.

Idinulog ng Tapat Na Po sa Pag-IBIG main office ang problema ni Barlis at doon natuklasan na may kapangalan daw ito kaya't inaayos pa ang mga record.

"This is an offshoot [of] what we are doing right now. 'Yung migration sa new system. We are now consolidating the records... Tinitingnan namin lahat ng magkakapangalan at chine-check kung iisa ang tao na 'yon," paliwanag ni Amado Dizon III ng Member Services Operation Sector ng Pag-IBIG Fund.
    
Pero aminado din ang Pag-IBIG na hindi dapat umabot sa apat na buwan ang pag-claim ng provident fund ni Barlis.

"To Mang Jaime, humihingi kami ng paumanhin sa delay ng inyong claim. Inaayos na po namin," ani Dizon. 
    
Noong May 24, kinumpirma ni Barlis sa Tapat Na Po na tinawagan na siya ng taga-Pag-IBIG para sabihing puwede nang kuhanin ang tseke niya sa Cabanatuan branch.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng Tapat Na Po.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.