Negosyante arestado sa hinihinalang tanim na marijuana

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at May 26 2018 12:23 PM

POLOMOLOK, South Cotabato – Isang negosyante ang inaresto ng awtoridad matapos madiskubre ang tanim nitong halaman na hinihinalang marijuana sa gitna ng plantasyon ng kamoteng kahoy sa Purok Felisilda sa Barangay Cannery dito.

Ayon kay Senior Insp. Ludovico Rendaje, deputy chief of police ng bayan, nitong Biyernes ay nakatanggap sila ng tip mula sa isang concerned citizen hinggil sa mga tanim ng suspek. 

“Advocate daw siya ng marijuana as a medicinal plant, pero bawal na bawal naman 'yan dito sa atin. Kaya kailangan niyang panagutan ito,” sabi ni Rendaje.

Naabutan pa umano ng awtoridad ang suspek na dinidiligan ang mga tanim. Agad binunot ng mga pulis ang apat na puno ng hinihinalang marijuana.

Isinuko rin ng suspek ang isang malaking plastic box na puno naman ng tuyong dahon ng hinihinalang marijuana. Umabot ang bigat nito sa 1.9 kilo at tinatayang nasa P200,000 ang halaga.

Ayon sa punong barangay ng Cannery na si Antonio Octavio, wala sa kanilang listahan ng mga sumukong sangkot sa ilegal na droga ang suspek.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.