Lalaking kaluluwas lang sa Maynila, nabiktima ng budol-budol sa kalsada

ABS-CBN News

Posted at May 26 2018 07:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Lumuwas ng Maynila mula Bulacan ang 26-anyos na si Robe Reyes nitong Biyernes para sana magbayad ng passport at matrikula ng bayaw.

Pero bago pa man magawa ang transaksiyon, tila nabiktima na si Reyes ng budol-budol gang habang binabagtas ang EDSA. 

Sa kuha ng CCTV ng barangay 138, Caloocan, kitang naglalakad sa EDSA si Reyes kasama ang tatlong lalaki na nakilala lang daw niya sa Balintawak.

"Nakapulot daw 'yung lalaki ng singsing na gold tapos nilapitan ako ng isa, nagpapatulong paano gagawin niya doon sa singsing... Naawa po ako sa lalaki dahil janitor lang po siya," kuwento ni Reyes. 

Dinala raw siya ng mga lalaki sa may Bagong Barrio at pinag-usapang ibenta ang singsing.

Hindi na lang niya namalayan, pinabigay ng grupo sa lalaking may hawak ng singsing ang kaniyang cellphone, relo, at ipong P10,000 bilang "collateral."

"Parang nawala ako sa sarili...Nag-usap-usap po kami na iwanan 'yung mga gamit namin para siguradong babalik 'yung kasama niya," aniya.

Maya-maya, pinasakay si Reyes ng isang lalaki sa jeep at sinabihang susunod ang mga iba sa kaniya pero wala nang sumakay sa grupo.

Nang matauhan, napilitang bumalik si Reyes sa lugar upang i-report ang nangyari.

"Mga dayo lang ito. Kung taga rito 'yan makikilala rin sila," ani Barangay 138 desk officer Noah Cayat.

Nagpaalala ang mga opisyal ng barangay na iwasang makipag-usap sa mga hindi kilala sa kalye para hindi maloko.

--Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.