Gobyerno, may magagawa para maibsan ang mga taas-presyo: eksperto

ABS-CBN News

Posted at May 26 2018 08:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inilahad ng isang eksperto na may mga posibleng magawa ang gobyerno upang matulungan ang mga Pilipino sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Ayon kay Men Sta. Ana ng Action for Economic Reforms (AER), dapat mas palakasin pa ng gobyerno ang ilan sa mga kasalukuyan na nitong programa upang makasabay sa pagsipa ng inflation rate.

Dapat umano na mas dagdagan pa ang unconditional cash transfer o perang ibinibigay bilang tulong-pinansyal sa mga mahihirap.

Maaari rin umanong magpatupad ng subsidiya ang gobyerno sa pang-araw-araw na transportasyon ng mga mahihirap na manggagawa.

Dapat din umano na mas paigtingin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagtutok sa presyo ng mga bilihin sa merkado upang hindi abusuhin ng mga negosyante ang labis na pagtaas ng presyo ng kanilang mga produkto.

Kamakailan ay isinusulong ng ilang labor group na ipako sa P800 ang minimum wage sa buong bansa upang makasabay sa pagmamahal ng presyo ng mga bilihin.

Isinisisi rin ng ilang labor group ang pagmahal sa presyo ng mga bilihin sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law na nagpapataw umano ng mataas na buwis sa ilang bilihin.

-- May ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.