5 patay sa salpukan ng 2 sasakyan sa Surigao del Norte

Rodge Cultura, ABS-CBN News

Posted at May 26 2018 01:02 AM

Bumangga sa isang puno ang MPV na may sakay na 8 katao. Erwin Mascariñas, ABS-CBN News

Lima ang patay habang tatlo ang sugatan sa salpukan ng isang pick-up at MPV sa Maharlika Highway ng Barangay San Pedro, Alegria, Surigao del Norte nitong Biyernes ng hapon.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nasagi ng nag-overtake na pick-up ang MPV kaya nakabig at bumangga ito sa puno.

“Nasagi ang gilid ng vehicle one kaya nahulog ang vehicle two white pick-up truck habang ang vehicle one Fuzion bumangga na sa puno ng mangga,” ani Insp. Juan Belarmino, hepe ng Alegria Municipal Police.

Pinagtulungan ng mga residente na ilabas ang pitong pasahero at driver ng MPV dahil ang ilan sa kanila ay naipit. Isinugod sa ospital ang mga biktima ngunit agad ding binawian ng buhay ang tatlo sa kanila.

“Nag-attempt na mag-overtake ang pick-up ngayon may parating na sasakyan kaya siya nagcut-in. Narinig ang malakas na tunog. Ang ikalawang kalabog yun na ang pagbangga [sa puno] nakita ko agad paglabas ko,” ani Dante dela Cruz.

Galing ang mga biktima sa bayan ng Carmen, Surigao del Sur at pauwi na sana sa Butuan City.

Nahulog naman sa gilid ng kalsada ang pick-up. Tumama ito sa ilang maliliit na puno bago bumangga sa pader ng isang bahay.

Nasa kustodiya na ng Alegria police ang driver ng pick-up na posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and multiple physical injuries.