SAPUL SA CCTV: 3 suspek sa pagnanakaw, arestado sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at May 27 2017 05:36 AM

Huli sa akto ang pa-simpleng pagdukot ng lalaki sa kahong naglalaman ng pera sa isang restaurant sa Barangay San Gabriel, lungsod ng San Pablo noong Linggo. Kasalukuyang nasa piitan ang suspek at isang kasamahan nito. Screencap from video courtesy of San Pablo Philippine National Police

LAGUNA — Tatlong suspek ang arestado matapos pagnakawan ang isang restaurant sa Barangay San Gabriel, lungsod ng San Pablo noong Linggo.

Huli sa akto ang pa-simpleng pagdukot ng lalaki sa kahong naglalaman ng pera. Wala namang kamalay-malay ang may-ari ng restaurant na nakatingin sa labas. 

Makailang ulit pang sinubukan ng lalaking sairin ang lamang pera habang ibinabaling ang atensyon ng kahera. Nang makontento na sa nakuha, saka sila umalis.

Ayon sa San Pablo Philippine National Police, nagkaroon ng aksidente sa tapat ng restaurant noong panahong iyon kaya naagaw ang atensyon ng may-ari ng restaurant.

"Kasi iyong restaurant na iyon, tabing-kalsada lang siya. Nagkaroon ng aksidente sa motor, dalawang motor nagbanggaan,” ani PO3 Romeo Alejandro.

“Iyong kahera naki-osyoso doon sa banggaan so nagkaroon ngayon ng pagkakataon itong mga suspek na masalisihan iyong kahera."

Nang mapagtantong nanakawan na pala siya, agad ini-report ng biktima sa pulisya ang insidente. Nahuli rin agad ang tatlong suspek.

Nakalaya nitong Lunes ang babaeng suspek matapos makipag-areglo sa may-ari ng restaurant. Paliwanag niya, nadamay lang umano siya sa pangyayari. 

Kasalukuyan namang nasa piitan ang dalawang suspek na lalaki na tumangging magbigay ng pahayag.

— Ulat mula kay Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.