Pulis, sugatan ng masabugan ng landmine sa Kidapawan

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at May 26 2017 04:14 PM

KIDAPAWAN, Cotabato - Isang pulis ang sugatan matapos masabugan ng isang landmine sa Barangay Sikitan, Biyernes ng umaga.

Kinilala ang biktima bilang si PO1 Ronald Espanola na nakadestino sa bayan ng Arakan.

"Nakasakay sila ng kanilang marked vehicle from Arakan pero nung nasa boundary na sila ng President Roxas and Kidapawan, sumabog yung landmine," ani Supt. Leo Ajero, hepe ng pulis sa Kidapawan, sa isang panayam sa telepono.

Tinitingnan ng mga awtoridad ang posibilidad na mga miyembro ng New People's Army ang nagtanim ng mga bomba dahil kakatapos lamang ng sagupaan ng mga rebelde at military noong Huwebes sa Barangay Salat sa bayan ng President Roxas sa kalapit na probinsya ng North Cotabato.

Ayon kay Lt. Col. Harold Argamosa, kumander ng 39th Infantry Battalion, nilusob ng mga sundalo ang kampo ng mga komunista kung saan nasabat ang 4 na landmines, mga generator, mga gamit na panggawa ng bomba, isang grenade rifle, at ilang personal na kagamitan ng mga rebelde.

Hindi pa naitatala ng mga awtoridad ang bilang ng mga nasawi at nasugatan na rebelde ngunit ang mga bakas ng dugo sa nasamsam na kampo ay indikasyon na mayroong mga komunistang lubhang nasugatan sa bakbakan.