Pulis na nasawi sa Marawi, naiuwi na sa Surigao City

Rodge Cultura, ABS-CBN News

Posted at May 26 2017 06:21 PM

Naiuwi na sa Surigao City ang mga labi ni Senior Inspector Fredie Solar. Rodge Cultura, ABS-CBN News

SURIGAO CITY – Naiuwi na dito Biyernes ng umaga ang labi ng isang pulis na nasawi sa bakbakan ng puwersang gobyerno at mga terorista mula sa Maute Group kamakailan.

Ang mga labi ni Senior Inspector Fredie Solar ay dumating sa Barangay Mabua pasado-11 ng umaga.

Sa hiling ng kanyang maybahay na si Manilyn, dito sa Surigao City isasagawa ang lamay para kay Solar ng ilang araw, bago ito dalhin sa Baguio City, kung saan siya lumaki.

Pero ibabalik din ang kanyang mga labi sa dito sa siyudad, kung saan naman nagmula ang kanyang asawa. 

Samantala, dumating na din sa Surigao City ang dalawang kapatid ng namatay na pulis na sina Susan at Josephine Solar mula pang Baguio.

Hindi naman napigilan ng dalawang magkakapatid ang mapaiyak nang makita ang katawan ni Solar.

Hindi umano sila makapaniwala sa sinapit ng kapatid. Diplomatiko at kalmado umano itong tao.

Binaril si Solar ng mga kasapi ng Maute Group sa Marawi City noong Martes, nang mag-umpisa ang bakbakan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.