Puerto Princesa Muslim Affairs, nanawagang isama sa panalangin ang Marawi

Hazel Salas, ABS-CBN News

Posted at May 26 2017 06:50 PM

PUERTO PRINCESA CITY – Isasantabi muna umano ng ilang mga Muslim ang kanilang mga pansariling panalangin kay Allah at uunahin ang panalangin para sa mga kapatid na Muslim sa Marawi, kasama na ang mga sibilyang naiipit sa kaguluhan doon. 

Ito umano ang kanilang magiging kahilingan kay Allah sa nalalapit na Ramadan.

Ayon sa Muslim community sa Puerto Princesa, ikinalulungkot nila ang nangyari sa Marawi City, kung saan nagkakasagupaan ang mga tropa ng gobyerno at ang terorista mula sa Maute Group. Kapwa Pilipino na raw kasi ang nagkakasakitan. 

Nangangamba naman ang City Muslim Affairs na hindi na matuloy ang pagpunta ng mga kapatid nilang Muslim sa Marawi City ngayong Ramadan. Kilala raw kasi itong destinasyon ng Islamic pilgrimage sa Pilipinas.

Kaya panawagan ng mga ito na isama sa pag-aayuno at panalangin na matapos ang kaguluhan sa Marawi City upang wala nang masaktan. 

Mensahe nila sa mga kapwa Muslim na huwag magpagamit o maging kasangakapan sa ano mang masamang gawain, at sa halip ay talikuran ito at pursigihin na magkaroon ng kapayapaan.

Hiling din nila na sana ay igalang ng mga sangkot sa kaguluhan ang Ramadan at pag-aayuno, na isang banal na pagsasanay sa mga mananampalatayang Muslim.

Ipinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte sa martial law ang buong Mindanao matapos sumiklab ang bakbakan noong Martes. Umaabot na sa 31 terorista at 13 tropa gobyerno ang namatay sa labanan. Hindi pa alam kung ilan nang sibilyan ang nadamay sa putukan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.