P500,000 halaga ng shabu, nasamsam sa Quezon City

Jon Ibanez, ABS-CBN News

Posted at May 26 2017 08:38 PM

MANILA - Tinatayang P500,000 halaga ng shabu ang nasamsam sa pito katao sa sunod-sunod na operasyon kontra-droga ng pulisya sa Fairview, Quezon City nitong Biyernes.

Unang inaresto si Ronald Buenaventura, 39, nang tangkain niyang tumakas sa isang checkpoint ng Quezon City Police District (QCPD) Station 5.

Ayon kay QCPD Director Chief Supt. Guillermo Eleazar, nasukol din si Buenaventure ilang metro lang ang layo sa checkpoint at nakuhanan siya ng hinihinalang shabu.

Ikinanta naman ni Buenaventura ang kinukunan niya ng shabu kaya't nagsagawa ng follow-up operation ang QCPD sa Mabini St., Barangay Sta. Lucia.

Dito nalambat sina Oban Vidal, Norman Capati at Shaliema Barrongo.

Sa imbestigasyon, itinuro naman ni Vidal ang pinagkukunan niya ng iligal na droga sa North Fairview, kaya't nagsagawa ng isa pang operasyon ang QCPD.

Arestado sina Julian “Dad” Pablo, Ferdinand Soriano at Jeanyl Valle.

Nakuha sa mga suspek ang tinatayang kabuuang P500,000 ng shabu, isang kalibre .38 baril at anim na bala nito, digital weighing scale, at drug paraphernalia.

Kinumpirma ni Eleazar na pawang nasa kanilang drugs watchlist ang limang kalalakihan sa sa pito kataong naaresto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.