MMDA, pinaalis ang mga tindera sa isang kalye sa Quezon City

ABS-CBN News

Posted at May 26 2017 04:02 PM

MANILA –Nagmadaling magligpit ng mga gamit at paninda ang mga tindera sa bangketa sa isang kalye sa Quezon City Biyernes ng umaga dahil sa isinagawang clearing operations dito ng mga otoridad.

Pinagbabaklas ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga tindahang nakaharang sa daanat bangketa sa Old Samson Road, at binitbit pati na ang isang lalaking nakaharang sa daan na umano'y lasing.

Ikinainis naman ito ng ilang mga tindera lalo't ang pagbebenta lang umano ang kanilang pinagkakakitaan. Hiniling din nila na bigyan sila ng puwesto kung saan sila pwedeng magtinda.

“Mahal ang upa sa palengke, at maliit lang ang kita sa araw-araw,” ani Judy Palayan, isang tindera.

Ayon naman sa MMDA, magpapatuloy pa rin ang kanilang clearing operations lalo't bawal naman talaga ang magtayo ng mga istraktura na puwedeng makaharang sa daan.