Mga sibilyan, ginagawang 'human shield' ng Maute

ABS-CBN News

Posted at May 26 2017 07:27 PM

Unti-unting umaabante ang mga tropa ng pamahalaan palapit sa mga puwesto ng Maute Group ngunit marami pa ring lugar sa Marawi City ang kontrolado ng mga terorista at ayaw paalisin ang mga sibilyan para gawin ang mga ito na 'human shield'.

Nagmartsa na ang malaking puwersa ng mga sundalo at PNP Special Action Force (SAF) papasok sa labanan sa Marawi upang bawiin ang mga bahagi na sakop pa ng Maute.

Ngunit hirap sila dahil hawak ng grupo ang ilang mga tulay at maganda ang puwesto ng mga sniper ng Maute Group.

Binarahan din ng teroristang grupo ang mga tulay at makikitang nagwawagayway ang itim na bandila ng ISIS.

Wala ring road security sa sentro ng Maute Group, pulis man o sundalo, na magsasabi kung aling mga lugar ang ligtas o hindi.

Ayon sa social worker na si Fahad Minalang, maraming sibilyan na gustong umalis mula sa lugar na iyon pero ayaw palabasin ng mga Maute. 

“Ang kuwento nila, sinubukan nilang umalis pero magpapaputok ‘yung mga armado para umatras sila… ginagamit sila doong human shield,” ani Minalang.

Ang iba pang sibilyan, natatamaan na ng crossfire ngunit hindi makahanap ng lunas.

May mga sugatan ding sundalo at dalawa pang tangke na hindi pa makuha ng kanilang mga kasamahan dahil sa dami ng puwersa ng Maute group at sa mga sniper sa paligid.

Isang grupo naman ng SAF ang naligaw ng daan at nagpasyang abandonahin na lang ang tangke nila nang paputukan sila ng Maute Group. 

Makikita sa isang litrato na nakatuntong at nakangiti sa ibabaw ng tangke ng SAF ang pinuno mismo ng Maute Group na si Omar Maute.

Sa isa pang litrato na naka-post sa Amaq website, makikita ang 50 caliber machine gun na ayon sa source, ay galing sa tangke ng pulis at nakakabit na sa truck ng mga Maute.

Dumating na kanina ang mga bomber at nagbagsak ng bomba sa siyudad para matulungan ang ground forces na makakilos.

-- Ulat ni Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.