Mga eksperto, nagbigay ng magkaibang pananaw sa martial law

Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Posted at May 26 2017 05:12 PM

MANILA – Hindi na bago ang bakbakan sa Marawi City dahil nangyari na ito noong 1972 nang ideklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang martial law sa buong bansa. Ngunit naniniwala si Professor Julkipli Wadi na hindi ito makakabuti.

Ayon kay Wadi, isang propesor mula sa University of the Philippines Institute of Islamic Studies, tradisyunal na hindi nasasangkot sa rebelyon ang mga Maranao ng Marawi City, hindi tulad ng mga taga-Maguindanao o Sulu, maliban na lang noong dekada 70.

“After the declaration of martial law, around 500 Mindanao groups, nilusob din nila ang Marawi at inokupa nila ang MSU (Mindanao State University). In fact there were around 30 na namatay raw and they called themselves People’s Revolutionary Movement,” ani Wadi.

Naniniwala si Wadi na maaring makasama ang martial law sa Mindanao dahil baka mas lalo pang lumakas ang Maute Group.

“Ang masama rito, tulad ng Abu Sayyaf at BIFF (Bangsamoro Islamic Freedom Fighters), the more pansinin mo, the more they will even feel emboldened kasi ang gusto nila mapansin sila eh,” aniya.

Ayon pa kay Wadi, matigil man ng martial law ang palitan ng putok sa Marawi City, posibleng maulit ito hangga’t hindi nakakamit ng Muslim Mindanao ang ipinaglalabang right to self-determination.

“If it really is a necessity, a kind of strong fist policy is needed, what I’m just saying [is] it has to be comprehensive, it should embrace many other areas, probably social reform agenda,” aniya.

Ayon naman kay Professor Rommel Banlaoi na isang security analyst, hindi pwedeng ipagsawalang bahala ang Maute Group, na nakipagsanib pwersa na umano kay Isnilon Hapilon ng Abu Sayyaf.

Nakaposisyon na raw ang grupong ito bilang mga miyembro ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) dito sa Pilipinas.

“Iyong ISIS followers dito sa Pilipinas, kino-konsidera sila ng ISIS sa Syria and Iraq as their soldiers of the caliphate, so may ganiyang acknowledgement na so iyong threat emanating from ISIS is not only imagined,” sabi ni Banlaoi.

Binuo na umano ni Hapilon, kasama ang Maute Group, ang umbrella organization na Daula Islamiya Wilayatul Masriq o Islamic East Asia division, ang ISIS sa Pilipinas.

“Gusto niyang gamitin ang Maute Group as its important military arm, ang ino-offer niya nga sa Maute brothers is to become vice-chairmen,” aniya.

Dahil sa pag-usbong ng bagong grupo sa Marawi City, naniniwala si Banlaoi na kailangan ang martial law sa mindanao.

Nauna nang itinanggi na ng militar na nakapasok na ang ISIS sa bansa. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.