Magpapatupad sa martial law, basehan ng deklarasyon, inilabas

ABS-CBN News

Posted at May 26 2017 08:37 PM | Updated as of May 26 2017 11:42 PM

(UPDATE) Ipinakilala na ng gobyerno kanina ang mga bubuo sa organisasyon para sa implementasyon ng martial law sa Mindanao. Inilabas na rin ng Palasyo ang kopya ng report para sa deklarasyon ng batas militar na isinumite na kagabi ng Office of the President sa Kongreso.

Sa nasabing organizational setup, si Pangulong Duterte ang nasa itaas bilang commander-in-chief, habang administrator naman si Defense Secretary Delfin Lorenzana, ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla. 

Hindi pa pinapangalanan ang mga magiging deputy ni Lorenzana sa nasabing martial law implementation structure. Sila ang tututok sa operations, administrative, legal, public affairs, at maging sa logistics ng martial law. 

Si AFP Chief of Staff General Eduardo Año ang magsisilbing chief implementor ng martial law sa Mindanao, katulong si PNP Chief Director General Ronald "Bato" dela Rosa. 

Una nang itinalaga ng Pangulo si Lorenzana noong isang taon bilang kalihim ng Department of National Defense dahil sa matagal na karanasan bilang defense attache ng Pilipinas sa Amerika. 

Ulat ng Pangulo 
 
Sa espesyal na Cabinet meeting na ipinatawag kagabi sa Davao City, isinumite ni Pangulong Duterte ang pitong pahinang martial law report kina Senate President Koko Pimentel at House Speaker Pantaleon Alvarez.

Sa report, idinetalye kung bakit kailangang ideklara ng Pangulo ang batas militar sa buong Mindanao. 

Nasa 75 porsyento na ng lungsod ang umano'y napasok ng Maute Group nang isulat ang report ng Pangulo, 11 sundalo at pulis na ang napapatay habang 35 ang sugatan sa bakbakan.

Pero hindi pa raw natatapos ang Maute, ayon sa report, dahil     pinaplano ngayong targetin ng mga terorista ang mga komunidad ng Kristiyano para pumatay habang pinipigilan ang paglikas ng mga Maranaw, at pinupuwersa ang mga batang Muslim na sumama sa kanilang laban. Malinaw raw ang intensyon ng Maute na gawing kabisera ng kapangyarihan ang Marawi City para sa planong pagtatayo ng isang Islamic State na sasakop sa buong Mindanao. 

Ang mga aksiyong ito ng mga terorista ay hindi lamang nakakaapekto sa Marawi o sa probinsiya ng Lanao, pero inilalagay din sa panganib ang seguridad ng mga Pilipino sa buong mindanao. 

Sa ngayon, 60 araw ang itatagal ng martial law sa Mindanao. Pero pinag-iisipan pa ng Pangulo kung palalawigin ito pati na sa isla ng Visayas. Hindi rin daw magdadalawang-isip ang Pangulo na gawing buong bansa ang deklarasyon ng martial law oras na mapatunayan na nakapasok na ang ISIS sa Luzon. 

Timeline ng Marawi siege

Nagsimula ang gulo noong Martes nang maglunsad ng isang military operation para sana hulihin ang senior Abu Sayaff leader na si Isnilon Hapilon at magkapatid na sina Abdullah at Omarkhayam Maute.

Nauwi ito sa matinding bakbakan at pagkaparalisa ng buong Marawi.

Sa loob ng ilang oras, sunod-sunod na pinuntirya ng Maute ang mga pasilidad ng Marawi.

Alas-4 ng hapon, sinimulang sakupin ang Marawi City Jail at pinakawalan ang may 68 inmate. 

Sunod na pinuntirya ang power supply ng lungsod na nagdulot ng malawakang blackout sa buong Marawi. 

Bandang alas-7 hanggang alas-8 ng gabi, inatake naman ng mga terorista ang Marawi police station na kanila ring sinunog. 

Naging mabilis ang galaw ng Maute kaya naman bago matapos ang gabi, hawak na nila ang maraming lugar sa Marawi. Kabilang dito ang 12 barangay. Nakapagtayo sila ng road blockades at checkpoints; kasama rito ang tatlong tulay sa Lanao del Sur para harangan ang reinforcement ng militar.

Hindi nakaligtas sa Maute ang mga paaralan, simbahan, ospital at bangko na kanilang inatake at sinunog. Kabilang dito ang Dansalan College Foundation, kung saan pinatay umano ang limang guro.

Sinunog din ang katedral ng Maria Auxiliadora at ang Shia Masjid Moncado Colony.

Hindi rin nakaligtas ang Senator Ninoy Aquino College Foundation, Marawi Central Elementary School, Filipino-Libyan Friendship Hospital    at Landbank of the Philippines.
    
Sa Amai Pakpak Hospital, itinaas naman ng Maute ang watawat ng Isis.

-- Ulat ni Pia Gutierrez at Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.