Lindol, nadama sa mga bahagi ng Luzon, Mindanao

ABS-CBN News

Posted at May 26 2017 12:56 PM | Updated as of May 26 2017 10:49 PM

Maliban sa magnitude 5.4 na lindol na tumama sa Zambales at nadama sa ilang bahagi ng Luzon at Metro Manila kagabi ng Huwebes, tinamaan din ng lindol ang Lanao del Sur at Surigao del Norte madaling araw ng Biyernes.

Niyanig ng magnitude 5.4 na lindol ang ilang bahagi ng Luzon, kabilang na ang Metro Manila, bandang alas-10:27 ng gabi, Huwebes, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Unang naitala ito ng Phivolcs sa magnitude 5.5 bago ito ibinaba sa 5.4.

Naitala ang epicenter ng lindol 12 kilometro mula sa bayan ng San Marcelino, Zambales. 

Naramdaman naman ang intensity 4 sa San Marcelino, San Felipe, Iba, Santa Cruz, Cabangan, at Castillejos sa Zambales; Dinalupihan at Abucay sa Bataan; Quezon City; Pateros, Malolos, at Obando sa Bulacan; at sa Olongapo. 

Intensity 3 naman sa Tagaytay, Talisay sa Batangas; San Jose Del Monte, Marilao sa Bulacan; Pasay, Makati, Mandaluyong, Maynila, Parañaque, Taguig, Caloocan, Pasig, Valenzuela sa Metro Manila; San Miguel, Tarlac, at Marilao sa Bulacan; at Gaban City, Bongabon, at Aliaga sa Nueva Ecija.

Intensity 2 naman sa Palayan City sa Nueva Ecija; Bacoor sa Cavite; Calumpit, Bulacan; Cabanatuan at Lucban, Quezon, at San Jacinto sa Pangasinan.

Magkakasunod na aftershocks ang naranasan ng Zambales matapos ang lindol.

Nagkabitak-bitak naman ang ilang bahagi ng Delpan Evacuation Center sa Tondo, Maynila kasunod ng lindol kagabi. 

Wala namang inaasahang tsunami lalo't sa lupa tumama ang lindol. 

Wala pa ring naiuulat na nasugatan nang dahil sa lindol.

Nakaantabay pa rin ang mga emergency response team sakaling magkaroon pa ng aftershocks.

Lindol sa Mindanao

Maliban sa Zambales, tinamaan din ng lindol ang Lanao del Sur at Surigao del Norte.

Nakaranas ng lindol na may lakas na magnitude 4.2 sa Lanao del Sur noong 12:59 ng umaga ng Biyernes, ayon sa Phivolcs.

Tumama ito sa kanluran ng Wao kaninang madaling araw. 

Kapitolyo ng Lanao del Sur ang Marawi City na ngayon ay sentro ng atensyon ng opensiba ng militar laban sa grupong Maute. 

Tumama naman ang magnitude 3.7 lindol sa Surigao del Norte kaninang 1:32 ng madaling araw. 

-- Ulat nina Michael Delizo at Michelle Soriano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.