German national, arestado sa pag-kidnap ng 2 anak

Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Posted at May 26 2017 08:40 PM

MANILA – Inaresto ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang isang German national sa Cebu matapos na hindi ibalik ang dalawa niyang anak sa ina nito sa Austria at dalhin ang mga ito sa Pilipinas.

Ayon sa ulat ng BI noong Miyerkoles, pinuntahan ng mga kasapi ng Fugitive Search Unit ng BI at ng Deputy Head of Mission ng Embahada ng Austria sa Maynila si Daniel Wiedmann, 39, sa kanyang pinagtaguang bahay sa Lapu-Lapu City.

Naglabas ang korte sa Austria nitong Abril 2017 ng utos na arestuhin si Wiedmann dahil sa 'di pagsauli ng dalawa nilang anak sa nanay ng mga ito, batay sa deadline na binigay ng korte. 

Umabot sa 19 buwan o mahigit isang taon niyang itinago ang dalawang bata, at dinala na dito sa Pilipinas.

Ililipad si Wiedmann sa Maynila upang maipiit sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.