FVR, binanatan ang martial law, 'junket' sa Russia

ABS-CBN News

Posted at May 26 2017 05:58 PM | Updated as of May 27 2017 01:29 AM

Binanatan ni dating Pangulo Fidel Ramos ang 60-day martial law declaration ni Pangulong Duterte. Hinihila raw kasi nito pababa hindi lang ang buhay ng mga Pilipino kundi pati imahe at ekonomiya ng bansa. 

Tinawag din ni Ramos na "junket" ang ginawang pagsabit ng ilang police at military generals at iba pang opisyal ng gobyerno sa state visit ni Duterte sa Russia. 

Si Ramos ay naging malaking bahagi ng batas militar at ng pagpapatumba nito. Minsan na rin niyang nasupil ang isang pagtatangka sa Marawi City. 

Ayon kay Ramos, posibleng hindi naranasan ng mga nagsasabi ng benepisyo ng martial law ang lupit ng batas militar. 

"Many of those in the Cabinet and Congress who are very vocal about how martial law is good may have never experienced being shot at or being forced to evacuate to a safe place, or how to lose a job, livelihood or loved members of a family," ani Ramos. 

Kailangan din aniyang tumulong ang mga lider ng bansa na mapawi ang tensiyon ng publiko sa halip na manakot sa pagsasabing posibleng palawakin pa ang saklaw ng batas militar. 

"Ang maganda sanang sabihin nila ay kaya namin ito, kaya ng Sandatahang Lakas at Philippine National Police, kasama na ang mga local government officials," dagdag pa niya. 

Pinayuhan din ni Ramos ang pamahalaan at militar na bawasan ang tensiyon at karahasan habang patuloy ang implementasyon ng 60 araw na batas militar. 

Pinaalalahanan din niya ang mga opisyal na huwag abusuhin ang mga karapatang pantao kahit pa patuloy nilang sinusugpo ang mga terorista. 

"Limit the violence without violation of human rights. Wala pang martial law, katakot-takot na human rights violations," aniya. 

'Manahimik ka'

Pumalag naman si Senador JV Ejercito sa mga sinabi ni Ramos, at sinabing manahimik na lamang ito. Binatikos rin nito ang naging paraan ng pamamahala ni Ramos noong administrasyon nito bilang pangulo. 

"FVR should just keep quiet because his time is up. He has to respect President Duterte's decisions and moves," ani Ejercito sa isang statement.

"FVR does not exactly have a very good track record as president. MILF and MNLF became very strong during his administration."

Hiling naman ni Senador Ping Lacson na huwag nang unahin ang pambabatikos. Sa halip, bigyan ng pagkakataon ang gobyerno na gawin ang dapat nitong gawin. Patuloy pa rin daw maging mapagmatyag sa mga posibleng pang-aabuso sa implementasyon ng batas militar.

"Mas makakatulong tayong mapadali na ma-resolve ang crisis sa Mindanao kung pababayaan na muna nating gawin ng pamahalaan ang nararapat under the circumstances, instead of criticizing without knowing the facts and the developments obtaining on the ground. It goes without saying that we should remain vigilant na lang for possible abuses in the implementation," ayon kay Lacson. 

Magugunitang bahagi si Ramos ng grupong nagpatupad ng martial law noong rehimeng Marcos. 

'Junket' sa Russia

Kasabay nito, binanatan din niya ang bilang ng delegasyon ng Pilipinas na pumunta sa Russia kasama ni Duterte. 

Imbis na gampanan ang trabaho sa bansa, pinili pa ng ilang opisyal ng gobyerno na sumama sa Russia kahit wala naman umano silang papel sa mga pagpupulong sa Russia, ayon kay Ramos. 

Dapat ay nanatili na lang sila sa bansa upang magtrabaho dahil hindi naman daw bago ang banta ng terorismo, dagdag pa niya. 

Iminungkahi rin niya na muling paganahin ang National Peace and Order Council, lalo pa't mayroong kaguluhan sa Marawi. 

Nilinaw naman ni Ramos na hindi siya nagsisisi sa pagsuporta kay Duterte noong panahon ng kampanya. 

Ayon naman kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, mahalaga ang pagdalo ng delegasyon ni Pangulong Duterte dahil importante rin ang ginawang pagpupulong sa Moscow. Mahalaga rin daw na tingnan ang magiging bunga ng administrasyong Duterte, gaya ng inaasahang pag-angat ng ekonomiya. 

Track record ni Ramos 

Bilang dating pangulo, obligasyon daw ni Ramos ang magsalita, lalo't siya pa mismo ang kumumbinse kay Duterte na tumakbo sa 2016 presidential elections.

Si Ramos ay naging heneral sa rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, naging Defense secretary sa ilalim ng Corazon Aquino administration, at ambassador naman noong panahon ni Gloria Macapagal Arroyo. 

Noong October 1972, si Ramos ang nanguna sa pagsagupa sa mga rebelde sa Marawi City na nagtangkang pumasok sa Mindanao State University para kidnapin ang Japanese ambassador na bisita noong araw na iyon.

Ang rebelyong ito ay napangibabawan ng grupo ni Ramos sa loob lang ng isang araw.

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.