Apela ng militar: Huwag magpost ng litrato o video ng lugar ng sundalo sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at May 26 2017 09:14 AM

Pinaalalahan ng militar ang publiko na huwag magpost sa social media ng mga larawan at video ng kinalalagyan ng mga sundalo sa Marawi City.

"Gusto po nating umapela sa mga residente na sana po ay iwasan natin na magpahayag ng impormasyon sa kinalalagyan ng mga sundalo, lalo na ang pagpo-post sa social media," paki-usap ni Col. Edgard Arevalo, hepe ng Armed Forces of the Philippines public affairs office.

"Ang mga lugar na yan ay pamilyar sa karamihan ng kanilang mga supporters at sympathizers. Makaka-compromise o makapipigil din po yan sa mabilis sana nating operasyon," dagdag ni Arevalo.

Pinaalalahanan din ng opisyal ang mga miyembro ng media na nag-uulat ng mga kaganapan sa Marawi na limitahan ang paggamit ng mga video na maaaring maglantad ng posisyon ng mga sundalo.

"Yung ibang video footage natin nakakarating din po ang impormasyon na yan sa ating mga kalaban sa pamamagitan ng mga supporters at sympathizers nila na nanonood sa telebisyon," sabi ni Arevalo.

Binalaan din ng militar ang mga sibilyan na hindi lumikas mula sa Marawi na huwag magbigay ng pagkakanlong o pagkukubli sa mga terorista.

Ayon kay Arevelo, pinaigting din ang pag-iinspekyon sa mga check points upang siguraduhin na hindi makakapagpanggap ang mga terorista bilang mga sibilyan na lumilikas mula sa Marawi.

Tatlumpu't isang miyembro ng Maute group, habang 11 mula sa tropa ng pamahalaan ang napaslang sa bakbakan sa pagitan ng mga terorista at militar.