2 patay sa karambola sa NLEX

Fred Cipres, DZMM

Posted at May 26 2017 08:21 AM | Updated as of May 26 2017 08:42 AM

Dalawa ang patay at dalawa rin ang sugatan sa karambola ng 5 sasakyan malapit sa San Simon exit ng North Luzon Expressway (NLEX), Biyernes ng madaling araw.

Damay sa karambola ang isang closed van, dump truck, pampasaherong bus, truck ng NLEX, at isang itim na SUV na siyang sinasakyan ng mga nasawing biktima.

Ayon sa driver ng van na si Roderick Salazar, binabaybay niya ang ikatlong lane ng kalsada nang biglang nilampasan siya ng humaharurot na SUV na bumangga sa nakahintong truck ng NLEX.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang mga sakay nito pati na ang kanilang mga bagahe.

Ayon kay Salazar, bigla siyang napa-preno matapos makita ang pagkakasalpok ng SUV kaya nabangga ito ng Cisco bus na nabasag naman ang bumper at windshield.

Nabasag din ang windshield ng isang dump truck matapos tamaan ng mga bagaheng tumilapon mula sa SUV.

Bagamat walang nasaktan sa mga pasaherong sakay ng bus, nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko sa lugar ang aksidente.