17 oras biyaheng Marawi-Cebu, tiniis para makalikas

ABS-CBN News

Posted at May 26 2017 07:44 PM | Updated as of May 26 2017 09:43 PM

Relief goods para sa mga lumilikas, kinakapos

(UPDATE) Matapos ang 17 oras na biyahe, nakarating na sa Cebu kaninang Biyernes ng umaga ang ilang mga residenteng tumakas mula sa bakbakan sa pagitan ng militar at grupong Maute sa Marawi City. 

Karamihan sa kanila ay hindi inaasahan na magaganap ang gulo, kagaya na lamang ni Haji Zman Amir. Umuwi lang si Amir sa Marawi mula sa trabaho sa Masbate upang mag-Ramadan.

"Talagang kinakabahan kami doon. Lahat ng mga tao, kinakabahan talaga kasi unang-una, nangyari ito sa buwan ng Ramadan. Malapit kami sa MSU. Doon kami dumaan. Short cut hanggang makarating kaming Iligan, okay na," ayon kay Amir. 

Sariwa pa sa kanilang alaala ang palitan ng putok. Suwerte raw at kinupkop sila ng Mindanao State University kaya nakalabas ng Marawi. 

"Maraming check point na daanan doon sa MSU. Doon kami dumaan para short cut, tapos pagdaan sa MSU, pumunta kaming Kasaghara. Maraming checkpoint doon pati gamit namin, tinitingnan," sabi naman ni Abdul Bashet Alikhan, isa sa mga lumikas. 

Tinutulungan naman sila ngayon ng National Commission on Muslim Filipinos. 

"Tutulong kami sa mga nangangailangan," ani Director Malo Manonggiing ng NCMF-Visayas. 

Patuloy naman ang pagbabantay ngayon sa pagpasok ng mga taga-Marawi sa Cebu. 

Iligan, kulang na sa relief goods

Kinakapos na sa relief goods ang City Social Welfare and Development (CSWD) ng Iligan dahil patuloy na dumadami ang mga lumilikas mula Marawi bunsod ng bakbakan ng militar at Maute Group.

Ayon kay Nilda Onque ng CSWD, hindi sapat ang mga banig at kumot na binibigay nila sa bawat pamilya.

Sa kabila nito, handang magtiis sa mga evacuation center ang ilang lumikas dahil kahit papapaano ay malayo na sila sa gulo.

Kuwento ni Rizzie Perez na estudyante sa Mindanao State University, hindi niya makalimutan ang nakakatakot nilang karanasan dahil dinig na dinig niya ang putukan at nangangamba siya para sa kaligtasan ng kanyang anak.

Hiling niya sa CSWD, mabigyan sana sila ng pamasahe para makabalik ng Maynila. 

Natakot din si Fatima Mohammadali na may pitong anak dahil malapit lang sila sa mga target ng Maute Group. 

Ayon sa kanila, sa evacuation center na lang muna sila makikituloy hanggang humupa na ang bakbakan.

May mga pamilya namang nagkusang-loob na mamahagi ng pagkain sa mga evacuees.

-- Ulat nina Aiza Layague at Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.