PatrolPH

Barangay chairman sa Cagayan patay sa pamamaril

ABS-CBN News

Posted at May 25 2022 01:27 AM

Patay ang isang punong barangay sa bayan ng Tuao, Cagayan matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem bandang alas-9 ng umaga Martes.

Kinilala ang biktima na si Dante Blanza, 61, chairman ng Barangay Santo Tomas sa nasabing bayan.

Sa imbestigasyon ng Tuao Police Station, papunta sa opisina ng Department of Agriculture sa Tuao West ang biktima sakay ng motorsiklo habang angkas ang isang barangay kagawad.

Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente partikular sa bahagi ng kalsada sa Barangay Bicok ay biglang nag-overtake ang sumusunod sa kanila na motorsiklo saka nagpaputok ng baril ang isang sakay nito.

Nagtamo ng tama ng bala sa dibdib ang biktima na naitakbo pa sa ospital, pero idinineklarang dead on arrival ng umasikasong doktor.

Hindi naman tinamaan ang angkas niyang kagawad.

Nagtalaga na ng high risk checkpoints ang pulisya at patuloy ang hot pursuit operation para madakip ang mga suspek.

Patuloy rin ang imbestigasyon sa motibo ng pagpatay sa biktima. – Ulat ni Harris Julio

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.