PatrolPH

Bangkay, ibinigay ng ospital sa isang punerarya lingid sa kaalaman ng pamilya

Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Posted at May 25 2022 09:35 PM

MAYNILA - Inireklamo ng isang pamilya ang isang ospital sa Pasay City dahil ibinigay nito ang bangkay ng kanilang ina sa isang punerarya nang walang pasabi sa kanila.

Doble pasakit para sa pamilya ni Allan Dipalac ang pagpanaw ng kanyang inang si Gloria dahil sa ibang punerarya ibinigay ng ospital ang mga labi nito at hindi sila inabisuhan.

Dinala si Gloria sa ospital noong nakaraang linggo dahil sa sugat niya sa binti na nagka-impeksyon. Habang naka-confine sa ospital, nagamot naman ang sugat. 

Pero nitong Linggo ay inatake umano sa puso si Gloria at dinala sya ICU. 

Alas-2 ng madaling araw ngayong Miyerkoles ay pumanaw ito.

Sabi ni Allan, inasikaso agad nila ang mga funeral requirements at pinuntahan nila ang kakilalang punerarya sa Paranaque City.

Alas-4 ng madaling araw nang umalis sila para kumuha ng pambayad sa ospital at para sunduin ang taga-puneraryang kukuha sa bangkay ng ina.

Pero 8:30 ng umaga ay sinabihan umano sila ng ospital na dinala na sa isang punerarya sa Pasay ang bangkay. 

"Sabi namin, bakit nagdesisyon kayo na ilabas yun ng ospital na wala kaming consent? Pangalawa, ang sabi nila, baka hindi raw namin bayaran," ani Allan.

Binayaran nina Allan ang hospital bill at kinailangan nilang kunin sa puneraryang pinagdalhan ng ospital ang bangkay ng ina.

Noong una ay sinisingil pa raw sila ng transportation cost at freezing fee. Pero kalaunan ay pumayag na rin ang punerarya sa Pasay na ibigay ang bangkay.

Pinuntahan ng ABS-CBN News ang punerarya sa Pasay City, pero tumanggi silang magbigay ng pahayag sa harap ng kamera. Bagaman, pinaliwanag nila na alas-8 ng umaga nang itawag sa kanila ng ospital na may kukuning bangkay roon. 

For safe-keeping lang umano ng bangkay ang procedure, hangga't wala pa ang pamilya. Kadalasan umano ay nire-refer sa kanila ang mga bangkay kapag anim na oras na itong patay. Hindi raw alam ng nasabing punerarya na walang abiso ang ospital sa pamilya ni Gloria.

Gayunpaman, ni-release din ng punerarya ang mga labi ni Gloria at hindi na siningil ng transportation cost at freezing fee ang kaniyang pamilya.

Pinuntahan rin ng ABS-CBN New ang ospital para kunan sila ng panig. Pero tumanggi silang magbigay ng pahayag dahil iimbestigahan pa umano nila ang insidente.

Tinawagan ng news team ang Department of Health para alamin ang panuntunan sa paglalabas ng bangkay mula sa mga ospital, pero hindi pa sumasagot ang ahensya.

FROM THE ARCHIVE

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.