PatrolPH

Ama na namasada para sa gatas ng anak, pinatay at ninakawan ng motor ng pasahero

Anna Cerezo, ABS-CBN News

Posted at May 25 2022 01:13 PM

Retrato mula sa Taguig police
Retrato mula sa Taguig police

Patay ang isang habal-habal driver matapos umanong pagbabarilin ng angkas na pasahero sa Taguig City.

Sa kuha ng CCTV sa insidente noong gabi ng Lunes, makikitang ibinaba ng biktimang si Jayson Galsim ang hindi pa nakikilalang pasahero sa may Barangay South Signal.

Tila nag-uusap ang dalawa nang biglang humandusay sa sahig si Galsim, na pinaputukan na pala ng angkas.

Nang matumba ang biktima, binaril ulit siya ng pasahero saka mabilisang tinangay ang motorsiklo nito.

Nagtamo ng 2 tama ng bala sa dibdib ang biktima, na nagresulta sa kaniyang pagkamatay.

Namasada noong gabing iyon si Galsim para makabili umano sana ng gatas para sa kaniyang 1 taong gulang na anak.

Patuloy naman umanong iniimbestigahan ng mga awtoridad ang krimen.

"Itong suspek na tinitngnan ngayon ay talagang carnapper," sabi ni Lt. Wilfredo Tanquerido Jr.

Sa ngayon, nasa punerarya pa rin ang labi ng biktima. Hindi ito mailabas ng pamilya dahil sa kakulangan sa pera, lalo't si Galsim lang ang naghahanapbuhay para sa kaniyang mag-ina.

Ayon sa kinakasama ng biktima na si Edilyn Lapitan, napilitan lang maghabal-habal si Galsim matapos matanggal sa trabaho noong kasagsagan ng pandemya.

Sumubok aniya ang biktima sa ride-hailing at delivery apps pero hindi sinuwerte.

Tatlong menor de edad na anak ang iniwan ng biktima.

Nanawagan ngayon ang mga kaanak na matulungan sana silang malibing ang biktima at makamit ang hustisya.

FROM THE ARCHIVES

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.