PatrolPH

3 patay sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaril sa Isabela

ABS-CBN News

Posted at May 25 2022 01:23 AM

Masusing iniimbestigahan ng awtoridad ang pamamaril sa isang babae sa bayan ng San Mariano, Isabela nitong Lunes ng gabi.

Ang biktima ay 33-anyos na nagtatrabaho sa isang KTV bar sa Barangay Zone 3 sa nasabing bayan.

Ayon sa San Mariano Police, naglalakad ang biktima papunta sana sa kanyang trabaho nang pagbabarilin ito ng hindi pa nakikilalang salarin. Nagtamo ang biktima ng tama ng bala sa ulo at katawan.

Noon lang Linggo, Mayo 22, nasawi rin sa pamamaril si Ernesto Butac, 40, residente ng Barangay Buyon, Cauayan City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente sa Barangay Ling-lingay kung saan ay nagparenta ng kanyang sound system ang biktima.

Umiihi lang daw ito nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa leeg, tiyan at paa ang biktima na naisugod pa sa ospital, pero idineklarang dead on arrival ng umasikasong doktor.

Samantala, Mayo 18 nang barilin ng isang motorista ang truck driver na nakagitgitan nito sa daan sa Cauayan.

Nasawi si Danilo Bramaje, 42, residente ng Barangay Gappal sa nasabing siyudad.

Nakunan ng CCTV camera ang insidente na isa sa mga inaasahan ngayon ng awtoridad na makatutulong para matukoy at madakip ang suspek.—Ulat ni Harris Julio

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.