PatrolPH

'No Movement Sunday' ipatutupad sa bayan sa Maguindanao

ABS-CBN News

Posted at May 25 2021 12:33 PM

Ipatutupad ng lokal na pamahalaan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao ang "No Movement Sunday" dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.

Sa ilalim ng polisiya, na epektibo simula Mayo 30, sarado tuwing Linggo ang mga tindahan maliban sa mga establisimyentong nag-aalok ng essential na produkto at serbisyo.

Bawal lumabas ang mga residente sa kanilang mga bahay habang ipinatutupad ang kautusan.

Nagpasya umano ang lokal na pamahalaan na ipatupad ang "No Movement Sunday" matapos umabot sa 25 ang bilang ng active COVID-19 cases sa bayan.

Ni-lockdown din ang isang bahagi ng Barangay Semba doon, kung saan may 9 na kumpirmadong COVID-19 cases at isang namatay dahil sa sakit.

Isasailalim din sa 14-day quarantine, na nagsimula ngayong Martes, ang mga residente ng barangay.

Sa tala ng Bangsamoro health ministry, umabot na sa 1,257 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Maguindanao.

Sa Cotabato City naman, na katabi lang ng Datu Odin Sinsuat, umabot na sa 1,627 ang bilang ng mga kaso.

Nauna nang nagpatupad ang lungsod ng "No Movement Sunday."

— Ulat ni Chrislen Bulosan

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.