PatrolPH

Batang na-trap sa baha sa Davao Occidental, nasagip

ABS-CBN News

Posted at May 25 2021 10:01 PM

Nailigtas ang isang batang babae matapos inabutan ng baha sa Barangay Lower Felis sa bayan ng Malita, Davao Occidental Martes ng hapon.

Makikita sa video na kuha ni Neliza Wood ang bata na nasa mababaw na bahagi at na-trap sa lumalaking ilog.

Video courtesy of Neliza Wood

Kasama nito ang isang alyas Nadnad na tumulong sa bata. Makalipas ang ilang minuto ay nilangoy din ng isa pang nag-rescue na si Tyson Balawa ang ilog at matagumpay na nasagip ang bata.

Ayon sa mga residente, kasama ng bata ang kanyang lolo sa pagtawid sana sa ilog, pero naiwan ito at naabutan ng paglaki at pagragasa ng tubig.

Nakaranas ng malakas na pag-ulan hindi lamang ang Davao Occidental kundi ang marami ring lugar sa Davao region dahil sa Inter-tropical Convergence Zone (ITCZ).

Ayon din sa PAGASA, mayroong low pressure area (LPA) na nakapaloob sa ITCZ sa silangang bahagi ng Eastern Mindanao.

- ulat ni Hernel Tocmo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.