'Sex-for-pass' modus umano ng ilang pulis ikinababahala ng mga grupo

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at May 25 2020 09:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Ilang kaso ng pang-aabuso umano ng mga pulis ngayong lockdown ang ikinababahala ng mga grupo ng mga kababaihan. 

Ayon sa Coalition Against Trafficking in Women-Asia Pacific (CATW-AP), hawak nila ang kaso ng 7 nakaranas umano ng pang-aabuso mula sa mga pulis.

"Ang isa sa kanila ay nilapitan ng pulis habang siya ay namamalengke dahil nakilala siya na dating ginagamit ng pulis... Dahil ang babae natakot ay... hindi niya nagawa na tumanggi sa customer na pulis," ani Jean Enriquez, executive director ng CATW-AP. 
 
Nangyari umano ang mga insidente sa isang probinsya malapit sa Metro Manila na hindi muna tinukoy bilang proteksyon sa mga biktima.
    
May mga anak na ang ilan pero walang kabuhayan kaya madaling maabuso kapalit ng pera.

"Binigyan ng pagkain, P500 at 'yung iba mas mababa pa rito," ani Enriquez. 

Ang Gabriela party-list, nakakatanggap din ng reklamo mula sa mga babae at miyembro ng LGBT community laban sa mga nagbabantay sa mga checkpoint.

"Ang iba ay nangyari sa kulungan, sa checkpoint... Hindi gustong magsampa ng kaso pero ang dinivulge lang ay kung paano sila binastos sa mismong checkpoint na sinuksok ang number doon sa quarantine pass, mga ganon tapos call me," ani Gabriela party-list. Rep. Arlene Brosas.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), tinitingnan na nila ang mga ulat na ito at ineengganyo ang mga biktima na magsampa ng reklamo sa kanilang tanggapan.

"Ang ganitong mga alegasyon ay kinakailangang mapatunayan alang-alang na rin sa mga police frontliners... Kinakailangan talaga na may complainant, otherwise hindi talaga tatayo ang kaso," ani PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac.

"In any case that we want to pursue there must be available witnesses. Pag ganito kasi, it’s a crime that’s done privately between the accused and the victim. And kung di talaga lalabas unless we find very good circumstantial evidences, then that’s the only time we can pursue. Nevertheless we will look into it," sabi naman ni PNP chief Police Gen. Archie Gamboa. 

Pero sabi ng Gabriela at CATW-AP, hindi madali para sa mga biktima ang basta lumapit sa PNP. 

"It’s so easy for sir Gamboa to say that the women should come forward. It means that he doesn't understand the danger that women victims of sexual violence, especially of powerful men, are facing," ani Enriquez.

Ayon naman sa Commission on Human Rights nakikipagtulungan na sila para maimbestigahan ang mga kaso. Panawagan nila ang agarang aksyon ng PNP at ng gobyerno.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.