Pagpapauwi sa libo-libong OFWs na natengga sa quarantine facilities umarangkada

Zen Hernandez, ABS-CBN News

Posted at May 25 2020 09:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Matapos ang kabi-kabilang reklamo tungkol sa mabagal na testing at sobrang tagal na pagkatengga sa quarantine, inumpisahan na ngayong Lunes ang malawakang pagpapauwi sa mahigit 24,000 stranded OFWs sa iba-ibang pasilidad sa Metro Manila.

Sa 24,000, prayoridad ngayong pauwiin ang 17,500 na may resulta na ang swab test, 12,000 sa bilang na ito ay mga taga-Luzon na isasakay sa mga nirentahang bus sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
    
Ang iba sa mga OFWs, sa terminal nakuha ang kanilang mga quarantine certificate.

Ang mga OFW naman na sa Visayas at Mindanao uuwi, isinakay sa mga chartered flights.

Sagot lahat ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang gastos sa mga chartered at sweeper flights na ikakasa mula ngayong araw hanggang susunod na 3 araw.
    
Sa taya ng OWWA, aabutin nang P20 milyon ang gastos kada araw. May koordinasyon na rin sa mga LGU para masigurong tatanggapin ang mag-uuwiang OFW.

Pakiusap ng OWWA sa LGU, sana ay huwag na muling isailalim pa sa quarantine ang mga uuwing OFW.

Pinag-aaralan na rin kung ano pang suporta ang maaaring ibigay sa mga OFW, tulad ng cash assistance at employment assistance.

Sa oras na makauwi na lahat ng OFW ay inaasahang made-decongest na ang mga quarantine facilities kaya ang plano ay papasukin na rin unti-unti ang inbound flights para makauwi na ang 45,000 OFWs na stranded sa labas ng Pilipinas.

TANING

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, maraming Pinoy seafarers ang tila nabuhayan ng loob at naging excited matapos inanunsyo na binibigyan na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ahensiya ng pamahalaan nang 1 linggo para maiuwi ang lahat ng mga OFW na nakatengga sa quarantine facilities. 

Sa isang group chat, ipinarating nila ang kanilang kasiyahan nang mabalitaan ang ibinigay na taning ni Duterte.

"Excited kami makauwi lalo na kung totoong mahahabol sa Sunday makauwi lahat," ani Ramon Bacalla, Pinoy seafarer.

Ayon sa Philippine Coast Guard, mas mabilis na raw ang pagproseso ngayon dahil mula noog Mayo 21 ay online na ang paglabas ng mga resulta at puwede i-screenshot na lang ang quarantine certificate.

TERMINALS NAPUNO

Watch more in iWant or TFC.tv

Napuno naman ang NAIA Terminal 2 at PITX ngayong araw ng mga papauwing OFWs sa kani-kanilang mga probinsya matapos silang makalabas ng quarantine facilities. 

Ayon sa ilang OFWs, nakakalito ang naging proseso dahil biglaan umano ang plano at wala silang ideya kung ano nga ba ang magiging schedule.

Dahil sa dami ng pasahero, pahirapan na sa pagsunod sa physical distancing.

Depensa naman ng OWWA, mas pinadali na nga nila ang proseso ng pagpapauwi para hindi na mahirapan pang muli ang OFWs. 

"The system has been made very very flexible in their favor, wala nang log-in, wala nang listahan bago pumunta dito, walang malaking requirement except for [quarantine] certificate na COVID-19 free sila and identification," ani OWWA administrator Hans Leo Cacdac. 

—May ulat nina Zyann Ambrosio at Jacque Manabat 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.