Pagbabayad ng loans sa SSS, Pag-IBIG tigil muna habang may quarantine

ABS-CBN News

Posted at May 25 2020 06:54 PM | Updated as of May 25 2020 11:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ginamit ni Enrique Carlos Jr. Ang huling suweldo noong Marso para umpisahan ang kaniyang delivery business.

Mula manok, karne at iba pang grocery items, dini-deliver ni Carlos para mapaikot ang pera at kumita para sa pamilya.

Pero pinoproblema ngayon ni Carlos ang mga loan sa Social Security System (SSS) at Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG Fund), na baka raw magpatong-patong na ang singil kapag natapos ang quarantine period.

“Siguro habaan nila 'yong palugit pa sa paghuhulog... lalo na ngayon sa dami ng bayarin namin... may tubig, kuryente, bayarin sa bahay,” aniya.

Tiniyak naman ng SSS at Pag-IBIG na tigil din ang pagbayad ng loans ngayong may quarantine period.

Sa Pag-IBIG, puwedeng magrehistro sa moratorium program para umusog lahat at humaba ang payment period.

“Halimbawa, may due ng March 30... so covered po iyon ng ECQ, ang March 30 na babayaran, uusog... sa July na babayaran 'yong March amortization niyo,” ani Pag-IBIG Fund Spokesperson Kalin Garcia.

“Mayroon tayong moratorium for 3 months and then magsimula uli tayong magbayad ng June,” sabi naman ni SSS Spokesperson Fernan Nicolas.

"Depende sa instruction kung mag-extend ba tayo saka maglalabas uli ng instruction ang SSS," dagdag ni Nicolas.

Ang cashier naman na si Marisol Dimapilis ay nangangalampag sa SSS kung kailan puwedeng mag-salary o calamity loan.

“Dalawang buwan kami walang trabaho, di kami nakasahod. Gusto ko rin sana paghandaan 'yong matrikula ng anak ko,” aniya.

Ayon sa SSS, maghintay-hintay lang dahil baka sa susunod na linggo ay puwede nang mag-calamity o salary loan.

Kapag nawala na ang quarantine at bumalik sa normal ang lahat, inanunsiyo ng SSS at Government Service Insurance System (GSIS) na magiging patakaran na ang online na paghahain ng benefits at loan application para iwas sa face-to-face o harapang pakikipag-transaksiyon.

Puwede rin ang drop box at sulat pero ang sigurado, bawal na ang pagdagsa ng mga miyembro ng SSS at GSIS.

“'Yong mga sickness, maternity, ilalagay na rin natin sa online 'yan, paunti-unti po kasi masyadong malaki 'yong database natin so isa-isa lang,” ani Nicolas.

Target naman ilipat ang 80 porsiyento ng miyembro ng tinatawag na “virtual Pag-IBIG” sa mga susunod na buwan para online na ang pag-proseso ng mga aplikasyon.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.