Ospital ng Tondo balik-operasyon matapos ang 2 linggong pagsasara

ABS-CBN News

Posted at May 25 2020 04:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Balik-operasyon na muli ang Ospital ng Tondo sa Maynila matapos ang 2 linggong pansamantalang pagsasara nito. 

Nitong Lunes ng umaga, muling binuksan sa publiko ang pagamutan para sa regular nitong operasyon. 

Una nang nagsara ang naturang ospital mula Mayo 11 hanggang Linggo para bigyang daan ang disinfection, pest control at pagsasaayos ng kanilang mga pasilidad para sa COVID-19-related operations. 

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, layon din nitong ipahinga at hayaang makarekober ang kanilang medical personnel na tinamaan ng COVID-19. 

Sa datos ng Ospital ng Tondo, sinabi ni Dr. Myrna Paloma na hanggang sa huling tala, 13 sa kanilang mga healthcare workers ang kumpirmadong nagpositibo sa COVID-19.

Tatlo pa lang sa mga ito ang nakarekober habang patuloy na nagpapagaling ang iba pa.

Sa ngayon, mayroong inilagay na triage at swab test booth sa labas ng Ospital ng Tondo para sa mga pasyenteng daldalhin doon na hinihinalang may COVID-19. — Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.