Nawawalang mangingisda mula Negros natagpuang patay sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at May 25 2020 01:25 PM

Natagpuan sa baybayin ng Ajuy, Iloilo nitong madaling araw ng Lunes ang bangkay ng mangingisda mula Negros Occidental na halos 2 araw nang nawawala, ayon sa mga awtoridad.

Napadpad sa baybaying sakop ng Barangay Nasidra sa bayan ng Ajuy ang bangkay ni Marlon Adique, 39, at residente ng Victorias City, Negros Occidental, sabi ni Commander Jansen Benjamin ng Philippine Coast Guard.

Positibong kinilala ng mga kaanak ni Adique ang kaniyang bangkay.

Naiulat sa mga awtoridad noong gabi ng Sabado ang pagkawala ni Adique nang tumilapon ito sa dagat matapos mabangga ng barko ang sinasakyan niyang bangka sa Ajuy. Nakaligtas naman sa insidente ang kaniyang mga kasamahan. -- Ulat ni Mitch Lipa, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.