Magkakapatid sa Cebu na walang kasama ngayong lockdown inulan ng ayuda

Jude Torres, ABS-CBN News

Posted at May 25 2020 06:53 PM | Updated as of May 25 2020 11:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bumuhos ang tulong para sa 4 batang magkakapatid sa Minglanilla, Cebu matapos maibalita ang kanilang pag-iisa sa gitna ng COVID-19 pandemic dahil namatay ang kanilang ina habang naka-quarantine naman ang kanilang ama.

Lubos na naapektuhan ang magkakapatid na Bercero sa mahigpit na quarantine rules kontra pagkalat ng COVID-19.

Hindi na nila nakita pa ang kanilang ina matapos mamatay ito sa sakit na hypokalemia o ang pagbaba ng lebel ng potassium sa dugo. Agad itong inilibing alinsunod sa patakaran ngayong pandemic. 

Hanggang ngayon naman, hindi pa rin nakakauwi sa kanilang bahay ang kanilang ama na nasa isolation center dahil siya ang nagbantay sa kaniyang yumaong asawa sa ospital.

Nitong Lunes ng umaga, inihatid ng ABS-CBN Cebu ang mga tulong para sa magkakapatid. May pagkain, gatas, diaper at mga laruan ang ibinigay na tulong para sa mga bata.

Hindi makapaniwala ang panganay na kapatid na si Marjun sa dumagsang tulong. Kahit papaano aniya, nakagaan ito sa pagsubok na kanilang pinagdadaanan.

Pero may ngiti man sa kanilang mga mukha, ramdam pa rin ang labis na pangungulila.

Natuwa rin ang mga kapitbahay sa mga nagmalasakit sa mga bata lalo na si Jovena Oberes na siyang nag-upload ng kanilang kuwento sa Facebook.

Sa ngayon ay hinihintay pa ang COVID-19 test result ng kanilang yumaong ina habang sa Martes ay inaasahang makalalabas na ng quarantine facility ang kanilang ama. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.