Higit 100 taga-Soccsksargen ang iniimbestigahan ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) office Region 12 matapos matuklasang nakakuha sila ng dobleng ayuda mula sa social amelioration program ng pamahalaan.
Lumalabas sa imbestigasyon ng DSWD na may 109 na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries ang tumanggap pa ng P5,000 na cash assistance sa ilalim ng SAP.
Sa ilalim kasi ng batas, hindi na dapat pang tumanggap ng SAP ang mga sakop na ng 4Ps.
Natukoy na mula sa Aleosan, Pigcawayan, Banisilan sa Cotabato at Bagumbayan sa Sultan Kudarat ang mga ito.
Bukod sa 109, may 5 pang non-4Ps beneficiaries naman ang dobleng nakatanggap ng cash assistance na nagmula naman sa Tantangan at Koronadal City sa South Cotabato.
Bukod pa dito, may 5 ring indibidwal ang nakakuha ng dobleng SAP cash assistance na mga residente naman ng Tupi at Lake Sebu sa South Cotabato.
Naisumite na ng DSWD sa Criminal Investigation and Detection Group ang profile ng mga ito para maimbestigahan.
"Ang makakatanggap po ng social amelioration program ng ating pamahalaan ay ang most affected families po o lubos na nangangailangan na kababayan natin o nasasakop o kabilang sa informal economy sector," paliwanag ni Cezario Joel Espejo, regional director ng DSWD-12.
Kapag mapatunayang nanamantala, maaaring makulong sa kasong perjury at estafa ang mga ito.
Maaari rin silang tanggalin sa listahan ng 4Ps beneficiary.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, krimen, SAP, social amelioration program, DSWD, Soccsksargen, TV PATROL, TV PATROL TOP