PatrolPH

‘E-tutor’ inilunsad para sa mga estudyante sa Cauayan City

ABS-CBN News

Posted at May 25 2020 03:43 PM | Updated as of May 26 2020 06:19 PM

Watch more on iWantTFC

Bumilis nang magbasa ang 9 na taong gulang na si Ryan Factor matapos ang higit isang buwan na pag-aaral sa pagbasa sa bahay.

Ate ni Ryan ang tumulong sa kaniyang basahin ang mga worksheet mula sa kanilang paaralan sa Cauayan City, Isabela.

Kahit sa bahay ang klase, panay naman ang video call at tawag ng guro ni Ryan para matutukan ang pag-aaral nito.

“Pinapababasa po niya si Ryan tapos pinapakinggan niya. ‘Pag may mali, iko-correct,” kuwento ni Rosalie Factor, ina ni Ryan, sa istilo ng pagtuturo.

Isa si Ryan sa 400 estudyante sa lungsod na nakasailalim sa remedial project para sa mga batang hirap sa pagbasa.

Dahil bawal ang mga pisikal na klase bunsod ng banta ng coronavirus disease (COVID-19), inilunsad ng Cauayan City Schools Division Office ang “e-tutor,” kung saan natuturuan pa rin ng mga guro ang mga estudyante sa pamamagitan ng video call.

Paghahanda na rin ito ng Cauayan City Schools Division Office sa pagbubukas ng klase sa Agosto.

Dahil 11 porsiyento lang ng mga mag-aaral sa lungsod ang may access sa internet, naghahanap pa ang tanggapan ng ibang paraan para hindi maputol ang edukasyon ng mga mag-aaral.

“Ito lang ‘yong may full access sa internet at may gadget,” ani Alfredo Gumaru Jr., superintendent ng Cayauan City Schools Division Office.

“Naisip po namin na effective din ang radio bilang isang way ng pagtuturo... mayroon kaming tie-up ngayon sa isang radio station,” ani Gumaru.

Walang gastos ang mga mag-aaral sa radio-based instruction dahil huhugutin ang pera mula sa maintenance and other operating expenses.

Nagpahayag na rin ng suporta ang local government unit ng Cauayan City para sa radio-based instruction sa parating na school year. -- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.